top of page
Search

ni ATD - @Sports | April 25, 2021




Binati ni 2016 Olympic Games silver medalist Hidilyn Diaz si Pinay weightlifter Vanessa Sarno dahil sa tagumpay nito sa nagaganap na Asian Weightlifting Championships sa Tashkent, Uzbekistan.


Bumilib naman ang coach ni Diaz na si Julius Naranjo kay 2019 Asian juniors champion Sarno nang ikuwintas nito ang 2 gold medal at isang silver sa women’s 71-kilogram division.


Inangat ni 17-year-old Sarno ang 128kg sa clean and jerk at total lift na 229kg sapat para ikahon ang dalawang gold medal habang silver ito sa snatch sa itinalang 101kg.


Inaalam pa kung kasama ang weight division ni Sarno sa events na nakasalang 2021 Tokyo Olympics.


Sa ngayon tanging si Diaz, 30, ang lifter na pambato ng Pilipinas sa nasabing quadrennial meet na ikakasa sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan.


Posibleng makakuha ng ticket sa Olympics si Elreen Ann Ando na sumikwat ng dalawang silver medals at isang bronze sa women’s 64 kilograms division, kailangan muna kuwentahin ang anim na sinalihan nitong tournaments bago magdesisyon ang International Weightlifting Federation (IWF).


Si Diaz ang unang lifter na nakapasok sa 2021 summer games na gaganapin sa Tokyo, Japan.

Bukod kay Diaz ang ibang sasabak sa Olympic Games ay sina gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena at boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.


 
 

ni ATD - @Sports | April 24, 2021




Aarangkada si two-time Southeast Asian Games (SEAG) champion Kim Mangrobang sa Asia Triathlon Championship sa Hatsukaichi, Japan, ngayong araw.


Dumanas ng matinding pagsasanay sa Portugal ng mahigit dalawang buwan, target ni 29-year-old Mangrobang na kumalawit ng ticket para sa 2021 Tokyo Olympics.


Sasabak si Mangrobang sa women’s elite na 1.5 kilometer swim-40km bike-10km run contest laban sa mga malulupit na katunggali tulad nina Ai Ueda at Yuka Sato ng Japan at Zhong Mengying ng China.


Ayon kay Triathlon Association of the Philippines president Tom Carrasco, matinding training ang ginawa ni Mangrobang sa Portugal at handang handa siya sa Olympic qualifying tournament races.


Umaasa si Carrasco ng top 5-6 finish si Mangrobang. Sasalang pa si Mangrobang sa mga ibang qualifying events, kailangan niyang maabot ang top 55 list ng qualifiers.


Nasa No. 192 sa Olympic rankings si Mangrobang.


Mga qualifying events na sasalihan ni Mangrobang ay ang World Triathlon Cup sa Lisbon sa May 22-23, Arzachena World Cup sa Italy sa May 29-30, ITU World Cup sa Huatulco, Mexico, sa June 12-13 at Northern Africa at Southern Europe.


 
 

ni ATD / VA - @Sports | April 20, 2021




Humakbang palapit sa inaasam niya at ng sambayanang Filipino na unang gintong medalya sa Olympics si Filipina weightlifter Hidilyn Diaz matapos pormal na mag-qualify sa naantalang 2020 Tokyo Olympics.

Pormal na nag-qualify si Diaz makaraang lumahok sa women's 55 kg event ng Asian Weightlifting Championships na idinaos sa Tashkent, Uzbekistan noong Linggo.

Pumang-apat ang 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalists sa binuhat nitong kabùuang 212 kg. kasunod ng Chinese athletes na sina Qiuyun Liao (222 kg) at Yajun Li (221 kg) na siyang kumopo ng gold at silver medal ayon sa pagkakasunod at Muattar Nabieva ng Uzbekistan (213 kg) na nagwagi ng bronze.

Bago ang pagdaraos ng Asian championships, isang torneo na lang ang kailangang salihan ni Diaz para makumpleto ang kailangang dami ng bilang ng mga torneo para mag-qualify sa pinakamalaking sporting event sa buong mundo.

Ang Tokyo Games ang ika-apat na sunod na Olympics stint na para kay Diaz. Pampito si Diaz sa mga Filipino athlete na nagkamit ng slot sa Tokyo Games kasunod nina pole vaulter EJ Obiena, gymnast Carlos Yulo at mga boxers na sina Eumir Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.


Samantala, hinahasa na ni national gymnast Carlos Edriel Yulo ang isa sa kanyang pangunahing armas na triple backflip. Posibleng ito ang magbigay ng unang gintong medalya sa Pilipinas sa Olympics.


Kumpiyansa si Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion na kapag nahasa ni Yulo ang kanyang triple backflip ay malaki ang tsansang maiuwi ang mailap na gold medal sa Olympics. “Sure gold if he does the triple backflip well,” sabi ni Carrion.


Sinabi rin ni Carrion na puspusan ang pagsasanay ni Yulo sa nasabing matinding armas.


Naging susi sa tagumpay ni Yulo ang triple backflip nang masilo ang gold medal sa 2019 FIG World Championships sa Stuttgart, Germany. Hindi masyadong nakasali sa torneo si Yulo dahil sa pamiminsala ng COVID-19 pero maganda naman ang takbo ng kanyang training ayon kay Carrion.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page