top of page
Search

ni ATD - @Sports | May 24, 2021




Nakatakdang sumalang si Filipino-American sprinter Kristina Knott sa 2021 JAC Summer Open sa Mayo 30-31 sa Jacksonville, Florida.


Bumalik na sa Amerika si Knott matapos nitong magpakitang gilas sa Italy nang sumungkit ng dalawang silver medals. Walang ibang iniisip si 2019 Southeast Asian Games gold medalist Knott kundi ang humablot ng ticket para sa Tokyo Olympic Games na ilalarga sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Japan.


Pumangalawa si Knott sa Women's 100 meter category ng nasabing torneo matapos magtala ng 11.30 segundo.


Second placer din si Knott sa Women's 200 meter event makaraang tumakbo ng 23.19 marka. May siyam nang pambato ang Pilipinas sa summer games.


Samantala, pagkadating ni beach volleyball star Sisi Rondina sa bubble training sa Pagudpud, Ilocos Norte ay agad itong nag-ensayo.


Halatang sabik sa buhangin si Rondina ito'y dahil sa matagal na natengga sa laro dahil sa COVID-19. Nagtungo si Rondina sa Pagudpud kasama ang national beach volleyball team at kahit magaganda ang tanawin ay nanatiling naka-pokus sila sa training.


Ang pinunta namin dito is court. Wala ng ibang iniisip. Sa tagal tagal ba naman naming nag-crave talaga, gusto talaga namin mag-training talaga,” ani Rondina nang ma- interview siya ng The Game.

Bukod kay Rondina, ang ibang miyembro ng nat'l beach volleyball team ay sina Dzi Gervacio, Dij Rodriguez at Bernadeth Pons.


Pinaghahandaan nila ang 2021 Asian Volleyball Confederation (AVC) Continental Cup na magsisilbing Olympic qualifying tournament, isang slot lang ang paglalabanan sa event na idaraos sa Thailand sa Hunyo. Determinado si Rondina na makalaro sa Tokyo Olympic Games na ilalarga sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Japan.

 
 

ni ATD - @Sports | May 23, 2021




Nasa kukote ng anim na national surfers ang sumungkit ng ticket para sa 2021 Tokyo Olympics kaya naman wala silang inaaksayang oras.


Pagkadating nina Rogelio Esquievel Jr., John Mark Tokong, Edito Alcala Jr., Nilbie Blancada, Daisy Valdez at Vea Estrellado sa El Sunzai, El Salvador ay agad na nag-ensayo bilang paghahanda sa sasalihang 2021 ISA World Surfing Games.


Misyon ng Pinoy surfers makakuha ng slot sa quadrennial meet na ilalarga sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Japan.


Magsisimula ang Olympic qualifying tournament sa Mayo 29 hanggang Hunyo 6, kung saan ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) ni chairman William "Butch" Ramirez ang kampanya ng national surfers.


Isang Olympic slot lang ang nakalaan per gender sa naturang Olympic qualifier.

Sasalang sa women’s open shortboard sina Blancada, Valdez at Estrellado habang sina Tokong, Esquievel at Alcala ay sa men’s open shortboard babanat.


Samantala, hindi bahagi ng polisiya ng Games and Amusements Board (GAB) bagkus likha ng pilantropong boxing promoter na si Naris Singwangcha ng Thailand ang P3,000 pension na natatanggap ng mga dating world champion – sa apat na boxing organization (WBC, WBA, WBO at IBF).


Ito ang paglilinaw ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra bilang sagot sa isyu na iniipit umano ng ahensiya ang naturang pondo dahilan upang humingi umano ng tulong ang ilang mga dating professional boxers kay Senator Manny Pacquiao. “Para po sa kaalaman ng lahat, yung pagkakaroon po ng pension ang matagal na naming nais ipatupad sa GAB, ngunit, hindi po ito maaprubahan sa ating budget na ibinibigay ng General Appropriation. Sa kasalukuyan, meron tayo yung boxers’ trust fund na hindi naman po kalakihan ang budget,” pahayag ni Mitra.


Batay sa Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nina Mitra at Singwangcha Foundation, sa tulong ni Pinoy boxing promoter Brico Sandig ng Higland Promotions noong Mayo 2018, makatatanggap ng P3,000 montly allowances ang mga naging world champion sa apat na malalaking boxing organizations.



 
 

ni ATD - @Sports | May 20, 2021




Umentra sa susunod na round si Filipina tennis star Alex Eala matapos pagpagin ang kalaban sa first round ng kanyang unang International Tennis Federation (ITF) World Tennis Tour, pro doubles kahapon sa W25 Platja D'Aro tournament sa Spain.


Nakipagkampihan si 15-year-old Eala kay Oksana Selekhmeteva ng Russia upang kalusin sina Valeria Koussenkova at Warona Mdlulwa, 6-2, 6-0.


Halos hindi pinawisan sa laro sina Eala at Selekhmeteva, nagmistulang ensayo lang dahil madali nilang pinatalsik ang kanilang kalaban, ni hindi man lang umabot ng isang oras.


Makakalaban nina Eala at Selekhmeteva sina Russian pair Sofya Lansere at Vlada Koval ngayong araw, kailangang doblehin ang kanilang tikas dahil mga tigasin din ang katapat.


Medyo matagal na natengga si Eala, inabot din ng halos isang buwan bago muling pumalo ang pambato ng Pilipinas, huli noong Abril sa W60 Bellinzona kung umabot siya sa Round-of-16.


Nakatakda ring lumaro si Eala sa Singles event kaya naman kailangan niyang pahabain ang kanyang resistensya.


Samantala, handa na ang National Karatekas sa World Olympic qualifier sa Hunyo 11 hanggang 13 sa Paris, France. Atat na silang lumaban matapos ang matinding pagsasanay na ginawa sa training camp sa Istanbul na nagsimula noong Marso 15.


Pakay ng national karatekas na makasilo ng ticket para sa Tokyo Olympic Games na gaganapin sa Japan sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.


Nakabalik na ng Pilipinas ang tropa ng Karate Pilipinas at nagpapasalamat ang mga ito sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni chairman William "Butch" Ramirez dahil sa mga suportang ibinibigay. “Thank you PSC and the staff that arrange the welcome home salubong for our athletes,” patungkol ni Karate Pilipinas president Richard Lim sa suporta ni Ramirez.


Mangunguna sina 2019 Southeast Asian Games gold medalists Junna Tsukii at Jamie Lim ang kampanya ng Pilipinas sa World Olympic qualifier. Kasama rin sina 2019 SEA Games bronze winner Joanne Orbon, Sharief Afif, Ivan Agustin at Alvin Bactican.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page