ni ATD - @Sports | November 24, 2020
Halos hindi na sumasagi sa isip ng apat na teams na natitira sa PBA bubble ang coronavirus (COVID-19).
Sapagkat naka-focus sila sa kanilang laro sa semifinals ng Philippine Cup na nilalaro sa AUF Sports gym sa Clark, Pampanga.
Tulad ng elimination topnotcher Barangay Ginebra Gin Kings na walang nasa isipan kundi tapusin ang Meralco Bolts sa kanilang best-of-five semis series.
Tangan ng Gin Kings ang 2-1 bentahe matapos manalo sa Game 3 kontra Bolts, 91-84, isang hakbang na lang at sasampa sila sa championship round.
Bukas ang Game 4 magsisimula ang bakbakan ng Barangay Ginebra at Meralco sa alas-3:45 ng hapon.
Muling sasandalan ng Gin Kings sina Stanley Pringle, Japeth Aguilar at LA Tenorio upang makuha ang inaasam na panalo. "Our main focus was to execute," saad ni Pringle na kumana ng 24 points sa kanilang panalo sa Game 3.
Pinuri rin ni Ginebra head coach Tim Cone si Joe Devance na malaking bagay din sa kanilang panalo sa huling laro. "In big moment like this, we go to Joe (Devance). It's Joe's decision making. He'll not make so many points and get many rebounds but he makes good decisions both on offense and defense," ani Cone.
Puro rin ang Phoenix FuelMasters sa finals matapos nitong talunin ang TNT Tropang Giga, 92-89 at hawakan din ang 2-1 abante.
Sakaling manalo ang Gin Kings at FuelMasters sa Game 4 ay tiyak na mababawasan ang tao sa loob ng bubble dahil lilisanin na ng maliligwak na team ang nasabing lugar.
Ito'y upang mas maging ligtas ang mga natitirang teams at officials sa laban sa COVID-19.
Kahit humupa na ang coronavirus sa bubble ay patuloy pa rin na mahigpit na ipinatutupad ang health protocols.
Kaya naman nakikita tuwing timeout ay nakasuot ang mga players at coaching staff ng face mask upang hindi basta makapitan ng COVID-19.