ni ATD - @Sports | November 29, 2020
Dalawang teams na lang ang natitira sa PBA bubble matapos patalsikin ng Barangay Ginebra Gin Kings at TNT Tropang Giga ang kanilang nakatunggali sa semifinals noong Biyernes ng gabi sa AUF Sports Gym sa Clark, Pampanga.
Nakatakdang magharap ang Gin Kings at Tropang Giga ngayong araw sa Game 1 ng kanilang best-of-seven series ng Philippine Cup finals.
Kinahon ng Gin Kings ang 83-80 panalo kontra Meralco Bolts habang tinalbos ng Tropang Giga ang Phoenix FuelMasters, 91-81.
Parehong nasagad sa kanilang best-of-five semifinals duel ang Ginebra at TNT kaya mananaig ang may mahabang hininga at matibay na tuhod.
Pahirapan ang panalo ng Gin Kings sa Game 5, sa isang broken play, naisalpak ni Scottie Thompson ang panelyong tres habang papaubos na ang oras.
"Tinira ko na lang dahil wala ng oras at si God na ang nag-shoot non," saad ni Thompson sa kanyang winning basket. "Very thankful kami nanalo. Talagang tough game. Lahat ng hard work namin mula sa offseason, sa quarantine break at hanggang sa bubble, nag-pay off,"
Kumana si Thompson ng 20 points, 12 rebounds at pitong assists para sa Ginebra na haharapin ang karibal na TNT sa best-of-seven championship showdown na magsisimula ngayong araw sa alas-6 ng gabi sa parehong venue.
Namuno sa opensa para sa Ginebra si Stanley Pringle na may 22 puntos at walong rebounds habang may 14 at markers sina LA Tenorio at Japeth Aguilar ayon sa pagkakasunod.
Lilisanin na ng Meralco at Phoenix ang PBA bubble kaya mas magiging ligtas sa coronavirus (COVID-19) ang mga natira.
Kasama sa guidelines ng PBA na pauwiin ang mga maliligwak na koponan upang mabawasan ang mga tao at hindi basta makakapitan ang mga players, coaching staffs at officials ng COVID-19.
Naniniguro lamang ang pamunuan ng PBA na hindi na mauulit ang nangyari nakaraan na may referee at player ng Blackwater Elite na nagpositibo sa COVID -19.