top of page
Search

ni ATD - @Sports | December 4, 2020




Wala na sa kukote ng Barangay Ginebra Gin Kings ang coronavirus (COVID-19) dahil naka-pokus na sila sa pagbaon sa TNT Tropang Giga.


Tangan ng Gin Kings ang 2-0 bentahe, haharapin nila ang Tropang Giga sa Game 3 ng Philippine Cup finals ngayong alas-6 ng gabi sa AUF Sports Gym sa Clark, Pampanga.


Muling sasandalan ng Barangay Ginebra sa opensa si Stanley Pringle upang ilista ang 3-0 sa kanilang best-of-seven series at masilo ang inaasam na kampeonato.


Kumana si Pringle ng 34 points, walong assists at anim na rebounds upang akbayan ang Gin Kings sa 92-90 panalo laban sa TNT sa Game 2 noong Miyerkules ng gabi.


Inaalat sa opensa sina LA Tenorio at Scottie Thompson pero nakagawa sila ng importanteng plays sa endgame. "Scottie was struggling, LA was struggling, and for a while, Stanley was struggling, but of course he exploded. Japeth, (Aguilar) was struggling, so the whole first five really struggled coming out of the game," saad ni Barangay Ginebra coach Tim Cone.


Natambakan ng mahigit 10 puntos ang Ginebra sa third period pero nakahabol agad ito papasok ng fourth quarter. "We're able to make some stops and the game turned around," hayag ni Cone. "Scottie just hit that big three-pointer in the Meralco series, and now he comes up with another big three-pointer to give us the lead."


Para sa Tropang Giga, tiyak na gagawin nila ang lahat upang makasagot ng panalo at hindi mabaon sa serye.


Huhugot ng puwersa ang Tropang Giga kina Jayson Castro, RR Pogoy at Troy Rosario para manatiling malakas ang kanilang asam na korona.


Samantala, hindi na gumugulo sa isip ng mga natirang teams ang COVID-19 lalo na at sila na lang ang natitira sa loob ng PBA bubble.


Lahat ng naligwak na koponan ay pinauuwi upang mas maging ligtas ang mga tao sa bubble laban sa mapanganib na coronavirus. Sinisiguro ng PBA na wala ng magiging positibo sa COVID-19 hanggang sa matapos ang season.

 
 

ni ATD - @Sports | December 2, 2020




Malaking susi sa panalo ng Barangay Ginebra Gin Kings sa Game 1 ng Philippine Cup finals ang mga diskarte at desisyon ni veteran LA Tenorio.


Kahit libre ay ipinapasa ni Tenorio sa mas malaking porsiyento ng pasok ng bola kaya naman naitakas nila ang 100-94 panalo laban sa TNT Tropang Giga sa finals noong Linggo ng gabi sa AUF Sports Gym sa Clark, Pampanga.


Isa sa magandang play ay nang maka-iskor si rookie Arvin Tolentino mula sa pasa ni Tenorio dahilan para magtabla ang iskor sa 92 at makahirit ng overtime. "Open ako pero I opted to pass the ball to Arvin because that's how I trust my teammates," kuwento ni Tenorio.


Nagsanib-puwersa sina Tenorio at Japeth Aguilar kasama si Stanley Pringle sa extra period para ilista ng Gin Kings ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-seven series.


Nagtala si 36-year-old Tenorio ng 12 points, 10 assists at limang rebounds sa 43 minutes nitong paglalaro.


Kaya tiyak na muling magtitimon si Tenorio sa Game 2 ngayong alas-6 ng gabi sa parehong lugar upang makuha ang inaasam na 2-0 abante.


Inaasahan naman na naghanda ang Tropang Giga upang hindi mabaon sa series at makatabla sa serye. Siguradong maayos ang isipan ng coaching staffs ng dalawang koponan dahil hindi na sila binubulabog ng coronavirus (COVID-19).


Umuwi na ang Phoenix FuelMasters at Meralco Bolts matapos nilang maligwak sa semifinals kaya mas ligtas ang mga natira sa PBA bubble laban sa mapanganib na COVID-19.


Naniniguro ang PBA na hindi na maulit ang nangyari sa eliminations na may nagpositibo sa coronavirus na referee at isang player mula sa Blackwater Elite.


Kahit ilan na lang sila sa bubbble ay patuloy na ipinatutupad ang pagsunod sa health protocols upang hindi basta makapitan ng COVID-19.

 
 

ni ATD - @Sports | December 1, 2020




Wala na sa isipan ng dalawang natitirang teams ang coronavirus (COVID-19) dahil iilan na lang sila na nasa loob ng PBA bubble.


Kaya naman naka-focus ang Barangay Ginebra Gin Kings at TNT Tropang Giga sa kanilang championship game. Nakalamang ang Gin Kings sa kanilang best-of-seven series, tangan nila ang 1-0 bentahe matapos talunin ang TNT sa Game 1 ng Philippine Cup finals noong Linggo ng gabi sa AUF Sports Gym sa Clark, Pampanga.


Maraming sandata ang Barangay Ginebra at naniniwala si head coach Tim Cone na malaking bentahe sa kanila iyon.


"Everybody contributed and it's really a great team effort," saad ni Cone. "We got a lot of contribution, and that's gonna be to beat this team."


Ginamit ni Cone sina Japeth Aguilar, Stanley Pringle, LA Tenorio, Scottie Thompson at Arvin Tolentino na mga nagtala ng mahahalagang kontribusyon lalo na sa endgame kung saan nasikwat ng Gin Kings ang 100-94 overtime win.


Nagtala si Aguilar ng 25 points at 16 rebounds habang kumana si Pringle ng 24 markers at tig-pitong boards at assists para sa Gin Kings na puntiryang dominahin ang TNT sa Game 2 na lalaruin bukas sa parehong lugar.


Bumakas si Thompson ng 15 pts. inilista ni rookie Arvin Tolentino ang 14 puntos habang 12 ang kinana ni Tenorio. Kailangang manalo ng Tropang Giga sa Miyerkules upang hindi mabaon sa serye at manatiling malaki ang tsansa na masikwat ng inaasam na korona.


Samantala, kahit dalawang teams na lang ang naglalaro ay mahigpit pa rin na ipatutupad ng PBA ang pagsunod sa mga health protocols upang hindi basta makapitan ng COVID-19.


Naniniguro lamang ang PBA na hindi na mauulit ang balitang nagpositibo sa coronavirus ang referee at player ng Blackwater Elite sa kalagitnaan ng elimination round.


Humuhupa na ang COVID-19 sa bubble dahil sa pagsunod ng mga tao sa inilabas na guidelines.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page