top of page
Search

ni MC / ATD - @Sports | June 11. 2021




Inaprubahan na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang P46.230 million budget na gamitin sa kampanya ng Pilipinas sa Tokyo Olympics. Inaprubahan ang nasabing halaga sa ginawang PSC board meeting base na rin sa proposal ng Philippine Olympic Committee (POC).


Sinabi ni PSC Chairman Butch Ramirez na masayang tatanggapin ng sports agency ang request dahil suportado nila ang national team sa gagawing kampanya nito sa Tokyo Olympics 2020+1 edition. Nakalaan ang nasabing budget para sa international airfare, hotel at accommodation at allowances ng atleta maging mga opisyal, sa gagawing COVID-19 testing bago pumunta sa Tokyo, hotel quarantine expenses at insurance para sa COVID-19 treatment, travel at panggastos pabalik sa bansa ng buong Philippine delegation.


Hindi pa kasama sa proposal ng POC ang budget para sa ibang bagay gaya ng flags, flaglets at pins, luggages, parade uniforms na kakailangang sakaling magkaroon ng opening at closing parade.


Samantala, determinado sina beach volleyball stars Cherry Ann Rondina at Bernadeth Pons na makakuha ng ticket para sa 2021 Tokyo Olympics kaya naman lahat gagawin upang matupad ang kanilang inaasam.


Maalab na nag-eensayo sina ng 2019 Southeast Asian Games bronze medalists, Rondina at Pons na ngayon ay nasa Pagudpud, Ilocos Norte, nakatakda silang sumabak sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Continental Cup ngayong buwan, isang qualifying event para sa quadrennial meet.


"Ang wish namin gabayan kami ni Lord sa mga journey namin dito sa AVC and syempre wag kaming pabayaan." saad ni Rondina sa interview ng "The Game" sa One Sports. " Gusto din talaga namin makapag-Olympics. Sobrang taas ng level na yun pero wala namang bayad sa pangarap, kaya laban Pilipinas!" "Sobrang tagal din na hindi nakapag-court. Almost isang taon din kasi diba nu'ng 2020 pa," anaman ni Pons na nagandahan sa lugar na kanilang pinag-eensayuhan. "Sobrang ganda ng ambiance tapos may dagat."


Papalo ng bola ang national team sa AVC Continental Cup sa Hunyo 18-27 sa Nakhon Phanom, Thailand.

Sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 naman ang simula ng summer games na gaganapin sa Japan.

 
 

ni ATD \ Eddie M. Paez, Jr. - @Sports | June 10, 2021




Habang tumatagal ay lalong bumabangis sa tumbukan si Pinoy cue master Roberto Gomez.


Tila walang iniisip na pandemya dulot ng coronavirus (COVID-19) si Gomez dahil naka-pokus ito sa kanyang kampanya.


Swak sa round-of-16 si 42-year-old Gomez matapos nitong sargohin ang 11-7 panalo laban kay Aloysius Yapp ng Singapore nang magharap sa last 32 ng prestihiyosong World Pool Championship sa Marshall Arena, Milton Keynes, kahapon. Bago pinayuko ni Gomez si Yapp sa event na ipinatutupad ang double-elimination format ay kinalos muna nito si Muhammed Daydat ng Africa, 11-2 sa last 64.


Makakalaban ni Gomez sa susunod na phase sa tournament na nakalaan ang $50,000 premyo sa magkakampeon ay ang tigasin sa USA na si Skyler Woodward. Para dumiretso sa quartefinals, kailangan manalo si Gomez sa kanyang laban at mananatili ang tsansa nitong makuha ang korona.


Samantala, maliban kay Gomez, kasali rin si Pinoy Jeff De Luna sa nasabing event pero napatalsik na ito sa torneo matapos lumasap ng dalawang sunod na kabiguan.


May isa pang Pinoy na kasali, ito'y si Jeffrey De Luna pero maaga itong napatalsik sa torneo matapos makalasap ng dalawang sunod na kabiguan.


Si Woodward ng U.S.A. ay may mataas na kumpiyansa matapos na pauwiin si 2019 World 9-Ball Championships winner Fedor Gorst ng Russia, 11-8. Nauna rito, naungusan ni Gomez, minsan naging kampeon ng Derby City Classic Bigfoot Challenge, si Swiss bet Stewart Colclough, 9-8, at si 2016 world 9-ball championship winner Albin Ouschan ng Austria, 9-7, sa preliminaries ng kaganapang isinasaayos ng World Pool Billiards Association (WPA) at umakit ng matitinding manunumbok mula sa maraming bahagi ng daigdig.


Kung magtatagumpay sa paligsahan, mapapabilang ang tubong Zamboanga na cue artist sa mga Pinoy world champions na sina Efren “Bata” Reyes (8-Ball/2004, 9-Ball/1999), Alejandro “The Lion” Pagulayan (9-Ball/2004), Ronnie “The Volcano” Alcano (8-Ball/2007, 9-Ball/2006), Francisco “Django” Bustamante (9-Ball/2009), Dennis “Robocop” Orcullo (8-Ball/2011) at Carlo “The Black Tiger” Biado (9-Ball/2017).


Hindi ito ang unang salang ni Gomez sa kompetisyon. Minsan na siyang pumangalawa sa prestihiyosong pagtitipon, mahigit isang dekada na ang nakararaan.

 
 

ni ATD - @Sports | June 04, 2021




Swak si Pinay skater Margielyn Didal sa semifinals ng Street Skateboarding World Championships 2021, qualifying event para sa Tokyo Olympics.


Nagpakitang gilas si 22-year-old Didal matapos lumanding sa 17th place at makapagtala ng markang 19.00 sa women's open qualifier. Sasalang ang 2018 Asian Games at 2019 Southeast Asian Games gold medalist Didal sa semifinals ng torneo ngayong araw.


Kasalukuyan nasa 13th place ng Olympic World skateboarding rankings si Didal. Makaka-abante sa finals ng torneo ang top 8 skaters sa semifinals.


Awtomatikong magkakaroon ng Olympic berth ang Top 3 women at men skaters sa nasabing torneo kaya naman sisikapin ni Didal na makapasok para maabot ang inaasam na makasabak sa Olympic Games na magsisimula sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan.


Samantala, alam ng boxing fans na ang gustong susunod na makalaban ni newly crowned WBC bantamweight champion Nonito Donaire ay si WBA at IBF bantamweight champion Naoya Inoue.


Pero bago mangyari iyon ay titikman muna ni Inoue ang mga kamao ni Pinoy boxer Michael Dasmarinas dahil nakatakda silang magtuos sa Hunyo 19 (Hunyo 20 sa Maynila) sa Virgin Hotel sa Las Vegas, Nevada.


Pakay ni Dasmarinas magtala rin ng impresibong panalo na ginawa ni Donaire nang itarak nito ang fourth round knockout win kay Nordine Oubaali para maagaw ang WBC bantamweight belt noong Linggo. Matindi ang ensayo ni Dasmarinas sa Wild Card Gym sa Hollywood, California para paghandaan ang nasabing laban,kung saan ay may mga game plan na silang gagawin. “To beat Inoue, I have to make sure I am at least a level above him and fight with speed, power and precision." ani Dasmarinas.


Pinapanood ni Dasmarinas ang mga laban ng Japanese pug sa video upang lubos na mapag-aralan ang galaw nito. May mga pinag-aaralan na sina Dasmarinas sa mga galaw ni Inoue.


Dahil noong nagsasanay pa ito sa Hardstone Aris Monis Boxing Gym sa Bangar, La Union ay kinuha ng grupo nila bilang sparring partner si KJ Cataraja, isa sa mga naging sparring partners ni Inoue noong naghahanda ito sa kanyang mga nakalipas na laban.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page