sa 'Pinas
ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 8, 2021
Pansamantalang itinigil ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna ng AstraZeneca COVID-19 vaccine sa mga edad 60 pababa kaugnay ng naiulat sa ibang bansa na diumano'y nakaranas ng pamumuo ng dugo o blood clotting at pagbaba ng platelet count sa ilang naturukan nito.
Saad ng DOH, “The DOH adopted the recommendation of the Food and Drug Administration (FDA) to temporarily suspend the use of AstraZeneca vaccines for individuals aged below 60 years old.”
Nilinaw naman ni FDA Chief Eric Domingo na ang pansamantalang pagpapatigil sa pagbakuna sa mga edad 60 pababa ay hindi nangangahulugang hindi ligtas o hindi epektibo ang AstraZeneca.
Aniya, “I want to emphasize that this temporary suspension DOES NOT MEAN that the vaccine is unsafe or ineffective.
“It just means that we are taking precautionary measures to ensure the safety of every Filipino. We continue to underscore that the benefits of vaccination continue to outweigh the risks and we urge everyone to get vaccinated when it's their turn.”
Siniguro rin ng DOH sa publiko na wala pang naiuulat na blood clotting at pagbaba ng platelets sa mga naturukan na ng AstraZeneca COVID-19 vaccine sa bansa.
Samantala, matatandaang nakatanggap ang bansa ng 2.5 million COVID-19 vaccines kung saan 525,000 ang AstraZeneca at ang iba pa ay Sinovac.
Ayon kay Domingo, hihintayin muna ang review ng mga eksperto at ang official guidance ng World Health Organization (WHO) kaugnay ng pagbabakuna gamit ang AstraZeneca bago ito ipagpatuloy uli.
Dagdag pa ni Domingo, “Kung meron pa pong natitirang AstraZeneca vaccine, siguro ay ‘wag muna nating gamitin sa mga people below 60 years old until bigyan [tayo ng] clearer evidence at saka clearer guidance from WHO at saka sa atin pong mga experts.”
Sa nakaraang ulat, sinabi ng DOH na ubos na ang AstraZeneca doses ngunit inaasahang makatatanggap ulit ang bansa ng karagdagang doses nito sa Mayo.
Ayon naman sa datos ng DOH, umabot na sa 922,898 ang mga nabakunahan sa bansa.