top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 11, 2021




Nakatakdang mag-expire sa Hunyo at Hulyo ang 2,030,400 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines na dumating sa ‘Pinas nitong Sabado, kaya pinabibilisan na ng Department of Health (DOH) ang rollout sa mga vaccination site gamit ang naturang bakuna.


Ayon kay DOH NCR Assistant Regional Director Dr. Paz Corrales, “Limited or masyadong maiksi ‘yung expiration date nila. Sa June or July po yata ang expiration for this year.”


Batay pa sa dokumento ng COVID-19 Vaccination Operation Center, nakatakdang mag-expire sa ika-30 ng Hunyo ang 1,504,800 doses ng AstraZeneca, habang ang 525,600 doses nama’y sa katapusan ng Hulyo.


Dulot nito, hindi na sasagarin sa 3 buwan ang pagitan ng pagtuturok sa first at second dose ng AstraZeneca upang hindi maabutan ng expiration date ang mga nakaimbak na bakuna.


Nilinaw naman ng chairperson ng vaccine expert panel na si Dr. Nina Gloriani na mayroong window period ang AstraZeneca mula isa hanggang 3 buwan kaya hindi gaanong magbabago ang efficacy rate nito kahit maiksi ang pagitan ng first at second dose.


Sa ngayon ay sinimulan nang ipamahagi sa mga local government units (LGU) ang bakuna.


Ang LGU na umano ang magdedesisyon at magpapatupad kung paano nila pabibilisin ang vaccination rollout, alinsunod sa utos ng DOH.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 7, 2021





Lumapag na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang eroplano ng Singapore Airlines na naghatid sa 2 million doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines pasado 12:49 nang tanghali mula sa COVAX facility.


Matatandaang inihinto ang alokasyon ng AstraZeneca dahil sa naranasang blood clot ilang araw matapos maturukan ng unang dose ang ilang indibidwal sa ibang bansa.


Sa ngayon ay wala pa namang iniulat sa ‘Pinas na nakaranas ng nasabing adverse event kaya patuloy pa rin ang rollout.


Ilang medical frontliners, senior citizens at mga may comorbidities na rin ang nabakunahan ng unang dose nito at matagal na silang naghihintay para sa pangalawang dose, upang ganap na matanggap ang 70% efficacy rate laban sa COVID-19.


Sa kabuuang bilang, tinatayang 2,525,600 doses ng AstraZeneca na ang dumating sa bansa, kabilang ang naunang 525,600 doses.


Ang mga dumating namang bakuna ay isasailalim muna sa disinfection bago iimbak sa Metro Pac cold storage facility sa Marikina City.

 
 

ni Lolet Abania | May 6, 2021




Naghahanda na ang pamahalaan sa posibleng pagdating ng 2 milyong doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines mula sa COVAX Facility sa Sabado, May 8.


Ito ang kinumpirma ni Senate health committee chairman Senador Bong Go sa isang pagdinig ngayong Huwebes.


“Pinaghahandaan na rin ang posibleng pagdating ng dalawang milyong doses ng bakunang AstraZeneca mula sa COVAX facility ngayong darating na Sabado nang hapon,” ani Go.


“Malaking tulong lalo na ang AstraZeneca dahil marami sa ating mga medical frontliners, senior citizens, at ‘yung merong comorbidities ang nabigyan na po ng first dose nito at naghihintay na lang maturukan ng kanilang second dose,” dagdag ni Go.


Matatandaang noong April, umasa ang Department of Health na kahit naantala ang pagdating ng AstraZeneca vaccines, mangyayari ito sa huling linggo ng Mayo para maibigay ang second dose sa mga naturukan na ng unang dose nito.


Hindi nai-deliver ang mga inaasahang bakuna ng AstraZeneca dahil sa logistical problems.


Dagdag ni Go, bukod sa 2 milyong doses ng AstraZeneca jabs, mayroong 1.5 milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccine ang darating naman sa Biyernes.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page