ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 1, 2021
Wala pang kasiguraduhan kung kailan darating sa bansa ang 3.5 million doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine mula sa COVAX facility, ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. ngayong Lunes.
Sa isinagawang press briefing at official launching ng vaccination drive ng pamahalaan sa Philippine General Hospital (PGH), sinabi ni Galvez na ang global supply shortage ng bakuna ang isa sa dahilan ng pagkaantala ng pagdating nito sa bansa.
Aniya, "Wala pa pong definite date. Nakikita natin ang reality on the grounds, acute po ang global shortage of supply."
Ngayong araw, Marso 1, dapat ang itinakdang petsa ng pagdating ng 525,600 doses ng AstraZeneca sa bansa.
Saad pa ni Galvez, "We understand the challenge COVAX is facing because they are supplying the global community. Ang pagkakasabi nila, indefinite [ang date of arrival] pero hopefully first quarter.”
Samantala, base sa tala ng Philippine Food and Drug Administration, ang efficacy rate ng AstraZeneca ay aabot sa 70% para sa unang dose at tataas pa ito diumano pagkatapos ng ikalawang dose pagkalipas ng 4 hanggang 12 weeks.