ni Lolet Abania | May 6, 2021
Naghahanda na ang pamahalaan sa posibleng pagdating ng 2 milyong doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines mula sa COVAX Facility sa Sabado, May 8.
Ito ang kinumpirma ni Senate health committee chairman Senador Bong Go sa isang pagdinig ngayong Huwebes.
“Pinaghahandaan na rin ang posibleng pagdating ng dalawang milyong doses ng bakunang AstraZeneca mula sa COVAX facility ngayong darating na Sabado nang hapon,” ani Go.
“Malaking tulong lalo na ang AstraZeneca dahil marami sa ating mga medical frontliners, senior citizens, at ‘yung merong comorbidities ang nabigyan na po ng first dose nito at naghihintay na lang maturukan ng kanilang second dose,” dagdag ni Go.
Matatandaang noong April, umasa ang Department of Health na kahit naantala ang pagdating ng AstraZeneca vaccines, mangyayari ito sa huling linggo ng Mayo para maibigay ang second dose sa mga naturukan na ng unang dose nito.
Hindi nai-deliver ang mga inaasahang bakuna ng AstraZeneca dahil sa logistical problems.
Dagdag ni Go, bukod sa 2 milyong doses ng AstraZeneca jabs, mayroong 1.5 milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccine ang darating naman sa Biyernes.