ni Lolet Abania | April 27, 2022
Tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon na dumalo sa United States-ASEAN summit sa Washington DC, na gaganapin pagkatapos ng May 9 elections.
Sa Talk to the People na ipinalabas ngayong Miyerkules nang umaga, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi makabubuti para sa kanya na dumalo sa May 11-13 summit dahil sa panahong iyon ay malalaman na at mayroon nang bagong pangulo ang bansa.
“May invitation kasi ako sa America to join ASEAN countries to have a dialogue with [US President Joe] Biden. Ang problema kasi the dates are May 11 to 13, ang aming conference. By the time tapos na ang eleksyon, malaman na natin kung sino ang bagong presidente,” saad ng Pangulo.
“Ang mahirap kasi kung ako ang nandu’n, I might take a stand that could not be acceptable to the next administration,” aniya pa.
Ipinahayag din ng Punong Ehekutibo ang tungkol sa kanyang safety kung magta-travel siya patungo sa US para sa nasabing summit.
“Kaya takot rin ako na pumunta roon. Una, mawala. Pangalawa, makapasok ako sa lugar na baka makatay lang ako. Pangatlo is a matter of principle. Noon pa sinasabi ko na talaga na ayaw ko. Reason is akin na lang ‘yun,” paliwanag pa ni P-Duterte.
Ayon sa Pangulo, inatasan na niya sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na pumunta sa US para talakayin ang aniya, ‘maraming bagay’, kabilang na ang ASEAN Summit at ilang kumpidensyal na usapin.