ni Chit Luna @News | July 10, 2024
Nagkaisa ang mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) na labanan ang lumalalang banta ng iligal na kalakalan, kabilang ang pagpupuslit ng mga produktong tabako na nagdudulot sa bilyon-bilyong dolyar na nawawalang buwis.
Isang daang delegado kabilang ang mga Customs officials mula sa 10 miyembro ng ASEAN (AMS), kasama ang mga ASEAN partners tulad ng China, Japan, Korea at Australia ang nagtipon mula Hunyo 4 hanggang 6 para sa 33rd Meeting of ASEAN Directors-General of Customs sa Phu Quoc, Vietnam para sa pinaigting na kooperasyon sa customs, pigilan ang mga iligal na kalakalan at pasiglahin ang lehitimong kalakalan sa rehiyon.
Ayon sa isang ulat ng Transnational Alliance to Combat Illicit Trade (TRACIT) at ng EU-ASEAN Business Council, ang pagtugon sa iligal na kalakalan ay nananatiling priyoridad dahil maaari nitong hadlangan ang mithiing integrasyon ng rehiyon sa 2025.
Halos US$3 bilyon na buwis ang nawala sa mga pamahalaan ng ASEAN mula sa mga iligal na produktong tabako noong 2017. Sa Pilipinas, humigit-kumulang P100 bilyon o US$1.9 bilyon ang nawawala kada taon dahil sa di pagbabayad sa buwis sa sigarilyo.
Iniulat naman ng Thailand na nawalan ito ng THB7 bilyon o US$202 milyon noong 2021 dahil sa iligal na kalakalan ng sigarilyo.
Ayon sa ulat ng TRACIT, ang Indonesia, Malaysia, Pilipinas at Vietnam ang kumatawan sa 95 porsiyento ng iligal na konsumo ng sigarilyo sa rehiyon noong 2017.
Dagdag nito, ang mga puslit na sigarilyo ay iniluluwas mula sa Indonesia patungo sa ibang bansa tulad ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga daungan tulad ng Nunukan at Tarakan. Ang Pilipinas ay nakatanggap din ng mga puslit na produkto mula sa Vietnam, Cambodia at India na dumaan sa Singapore.
Ayon sa mga balita, ang mga lugar sa Pilipinas tulad ng Palawan, Zamboanga, Sulu at Tawi-Tawi ay kinilala ng mga lokal na awtoridad bilang mga kritikal na entry point para sa pagpupuslit ng sigarilyo mula Indonesia, Malaysia, Cambodia at Vietnam.
Ang mga ibang produkto tulad ng smokeless tobacco ay naapektuhan din ng iligal na kalakalan. Ang pagbabawal sa e-cigarette sa Singapore at Thailand ay nag-ambag sa pagtaas ng pagpupuslit ng mga produktong ito mula sa kalapit na Malaysia, ayon sa TRACIT.
Sa Thailand, natuklasan na ang mga tatak na iniluluwas mula sa Vietnam at Indonesia at tila may mga consignee na nakabase sa Singapore, Hong Kong, Malaysia at United Arab Emirates.
Ang Customs meeting ay nag-update din tungkol sa ASEAN customs integration, kabilang ang paglagda sa ASEAN Authorized Economic Operator Mutual Recognition Agreement (AAMRA).
Anim na bansa—ang Pilipinas, Brunei, Indonesia, Malaysia, Singapore at Thailand—ang nagpatupad ng pilot program ng AAMRA.
Kamakailan, isang operasyon ng Joint Customs Control (JCC) ay nagresulta sa pagkakahuli sa mga ilegal na produkto ng tabako kabilang ang 1,250 kilo ng tuyong dahon ng tabako at mahigit 50,000 pakete ng mga puslit na sigarilyo. Ito ay matagumpay naisagawa dahil sa pagtutulungan ng Pilipinas, Malaysia, Singapore, Thailand at Vietnam.
Nagkaisa din ang mga bansa sa ASEAN sa pagbuo ng mga alituntunin para sa mas mahusay na pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng mga awtoridad sa customs at mga e-commerce operators para pigilan ang pagbebenta ng mga iligal na produkto sa online platforms.
Binigyang-diin naman ni Vietnam Customs Director General Nguyen Van Can, chairman ng ASEAN Customs sa taong 2024-2025, na panahon na para sa ASEAN na magsanib kamay para sa mas mataas na lebel ng integrasyon at koneksyon at maisakatuparan ang ASEAN vision ng "One Vision, One Identity, One Community.”