top of page
Search

ni Lolet Abania | July 5, 2022



Pitong sundalo ang nasugatan, kabilang ang dalawa na nasa kritikal na kondisyon, matapos isang anti-personnel mine ang sumabog sa gitna ng kanilang community service sa Mapanas, Northern Samar, ngayong Martes.


Ayon sa military, ang tropa mula sa 20th Infantry Battalion at 63rd Infantry Battalion (63IB) ay nagsasagawa ng immersion activities nang mangyari ang pagsabog ng alas-6:15 ng umaga.


“Of the seven, dalawa ang critical, so ongoing ang evacuation nila sa hospital,” pahayag ni 8ID commander Major General Edgardo de Leon.


“Hopefully malagpasan nila ‘yung kanilang ordeal na, nagko-community service na nga, pinasabugan pa ng anti-personnel mine,” ani De Leon.


Isinisi naman ni De Leon sa grupo ng mga communist rebel na New People’s Army (NPA) ang naganap na pag-atake sa mga sundalo habang kinondena ang mga ito dahil sa umano paglabag sa batas na aniya, nagbabawal sa paggamit, stockpiling, produksyon at pag-transfer ng anti-personnel mines.


Ayon kay De Leon, nagsasagawa na ang mga awtoridad ng pursuit operations para sa ikaaaresto ng mga sangkot na mga rebelde habang aniya, inihahanda na rin ang kaukulang kaso na isasampa laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa International Humanitarian Law (IHL).


Sinabi naman ni De Leon na walang sibilyan na nasaktan sa insidente.


 
 

ni Lolet Abania | June 25, 2022



Isang bagong unit na nakatuon sa pagbibigay ng proteksyon sa bise presidente ang binuhay o in-activate ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Biyernes, ilang araw bago ang opisyal na pag-upo ni Vice President-elect Sara Duterte sa posisyon.


Ang Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) ay siya ring titiyak sa kaligtasan at seguridad ng pamilya ng bise presidente, ayon sa AFP sa isang press release.


Ginanap ang activation ceremony ng VPSPG sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo. Itinalaga ni AFP Chief of Staff General Andres Centino si Lieutenant Colonel Rene Giroy ng Philippine Army bilang unang VPSPG group commander.


“The AFP saw it fitting to provide the Office of the Vice President a dedicated unit that shall ensure the safety and security of the second-highest elected official in the country,” pahayag ni Centino.


Noong una, ang Vice Presidential Security Detachment ay naka-attached sa Presidential Security Group, na partikular na pumoprotekta rin sa pangulo. Subalit sa ngayon, ang bagong nabuong VPSPG ay isa nang hiwalay na unit na pamumunuan ng isang 0-6 grade officer o may rank ng colonel o Navy captain.


“I am confident that the newly-designated acting VPSPG Commander and the rest of the Officers and Enlisted Personnel entrusted to ensure the safety, security, and welfare of the Vice President and her family shall perform their responsibilities to the best of their abilities,” saad pa ni Centino.


 
 

ni Lolet Abania | October 14, 2021



Tatlong crew member ang nasugatan matapos na ang Royal Australian Navy MH-60R Seahawk helicopter ay bumagsak habang transiting o papadaan sa silangang bahagi ng Luzon nitong Miyerkules ng gabi, batay sa report ngayong Huwebes ng Armed Forces of the Philippines (AFP).


Ayon kay AFP spokesperson Col. Ramon Zagala, ang tatlong sakay na crew members ay ligtas na narekober ng Royal Australian Navy ship na HMAS Brisbane, kung saan naroon malapit sa lugar.


Sinabi ni Zagala na ang MH60R Seahawk ay nag-o-operate mula sa HMAS Brisbane, na naiulat na may regional presence deployment sa Royal Australian Navy HMAS Warramunga.


“The AFP is still coordinating with its Australian counterparts on the matter and has expressed readiness to provide assistance,” ani Zagala. Base sa reports mula sa Royal Australian Navy, maraming ships ang nagsasagawa ng tinatawag na “a number of navy-to-navy engagements with partner nations” sa Southeast at Northeast Asia.


Sa inilabas na press statement mula sa Australian Department of Defense, ayon sa kanila ang mga crew members ay ligtas na at agad namang nakatanggap ng first aid sa natamo nilang minor injuries.


Ang HMAS Brisbane at HMAS Warramunga ay nagsasagawa na ng pagsisiyasat sa lugar sa anumang debris para alamin at madetermina ang naging dahilan ng insidente.


Ayon kay Rear Admiral Mark Hammond ng Australian Fleet command, bilang pag-iingat aniya, “We have temporarily paused flying operations of the MH-60R Seahawk fleet.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page