top of page
Search

ni Mylene Alfonso | June 13, 2023




Hindi na kailanman magpapasakop at hindi na magiging sunud-sunuran sa anumang panlabas na puwersa ang Pilipinas.


Ito ang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kanyang unang Independence speech sa isinagawang pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.


"The heroes of our liberation would be proud to know that we have thrown off the ‘ominous yoke of domination’; never again to be subservient to any external force that directs or determines our destiny," diin ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Quirino Grandstand sa Maynila.


Kaugnay sa binanggit nitong Philippine Development Plan, sinabi ni Marcos na sisikapin ng gobyerno na makamit ang kalayaan mula sa gutom, kapabayaan, at takot.


Kasabay nito, nanawagan din ang Pangulo sa mga mamamayan na suportahan ang malaya at independiyenteng Republika.


Una rito, alas-8 ng umaga nang dumating ang Pangulo para sa Flag Raising at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Rizal Park, Maynila kung saan muntik nang maudlot ang bahagi ng nasabing programa dahil sa malakas na buhos ng ulan.


 
 

ni Lolet Abania | June 12, 2022



Dinagsa ng mga tao ang Manila Baywalk Dolomite Beach, na nasa labas pa lamang at naghihintay ng pagbubukas nito, ngayong Linggo, Hunyo 12, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.


Una nang inanunsiyo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nakatakdang pagbubukas muli sa publiko ng artificial “white sand beach” ngayong araw, makaraang isara ito upang dumaan sa ikalawang phase ng kailangang rehabilitasyon.


Karamihan sa kanila ay pami-pamilya na pumunta roon ng alas-4:00 pa lamang ng madaling-araw. May iba na naglatag na lamang ng tela at nag-picnic sa labas ng Manila Baywalk Dolomite Beach habang matiyagang naghihintay na magbukas at makapasok sa loob.


Kahit na inabisuhan na ang mga ito ng mga guwardiya na hapon pa magbubukas ang dolomite beach at walang katiyakan kung kailan sila magpapapasok, maghihintay pa rin anila sila ilang oras man o gaano katagal ito abutin.


Marami kasi sa mga ito, ang gustong doon na magdiwang ng kanilang kaarawan dahil sa anila, maganda na ang tanawin ay makakatipid pa. Ginanap ang inagurasyon ng Manila Baywalk Dolomite Beach ng alas-4:00 ng hapon ngayong Linggo.


 
 

ni Lolet Abania | June 12, 2022



Hinimatay si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana sa kasagsagan ng isinasagawang programa sa pagdiriwang ng ika-124 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong Linggo, Hunyo 12 sa Rizal Park sa Maynila.


Sa isang cellphone video, kitang tila nahilo habang tuluyang nawalan ng malay si Lorenzana na dahan-dahang bumabagsak.


Sinubukan naman ni Manila Vice Mayor at incoming Mayor-elect Honey Lacuna na saluhin ang 73-anyos na opisyal at agad ding isinugod sa ospital. Gayunman, ilang oras matapos ang insidente, nag-post na sa kanyang Facebook page si Lorenzana.


Sinabi nitong ang kakulangan ng pahinga ang posibleng sanhi ng kanyang pagkahilo. “My lack of rest and sleep from my recent successive international security engagements may have taken its toll on me. Late na kami nakabalik from Singapore, tapos napakainit pa sa Luneta kanina,” pahayag ni Lorenzana sa isang statement, ilang oras matapos na himatayin ngayong umaga sa naturang okasyon.


“I’m fine now. Just resting since the results of the tests conducted earlier are okay,” saad ni Lorenzana sa isang mensahe na ipinadala niya mula sa ospital. “As the saying goes, a true soldier always gets up quickly after a fall,” dagdag pa niya.


Nagpasalamat naman ang kalihim sa mga nagpaabot ng pag-aalala sa nangyari sa kanya. Kinamusta rin nina Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Christopher “Bong” Go via video call si Lorenzana habang sinabi nito sa Pangulo na nasa maayos na siyang kondisyon sa ngayon.


Una rito, pinangunahan ni Pangulong Duterte ngayong Linggo ang paggunita ng bansa sa ika-124 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park sa Manila. Ang okasyon ay may temang “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas,” kung saan pinamunuan ng Pangulo ang flag-raising ceremony at wreath-laying para sa naturang event.


Hiniling ng outgoing Chief Executive sa mga Pilipino na aniya, “take to heart all the humbling learnings from the past, especially the countless hardships that we had to endure as a people.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page