ni Lolet Abania | September 3, 2020
Inaprubahan na ni Mayor Francis Zamora ang ipinasa ng San Juan City Council na City Ordinance No. 62, series of 2020 o ang "Anti-Spitting Ordinance of 2020", bilang bahagi ng paglaban ng lungsod sa pagkalat ng sakit na COVID-19.
Sa naturang ordinansa, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdura at pagsinga sa lahat ng pribado at lalo na sa pampublikong lugar tulad ng bangketa, kalsada, parke, malls, bangko, terminal at iba pa sa San Juan City.
Gayundin, ang pagbahing at ibang kagaya nito nang hindi sadya at walang maayos at sapat na proteksiyon sa mukha ay mahigpit na ipinagbabawal.
Dagdag pa rito, ang pag-ihi, pagdumi, pagsuka at iba pang maruruming gawain sa pampublikong lugar, kung saan magiging panganib ito sa kalusugan ay bawal na rin.
Papatawan ang sinumang lalabag sa ordinansang ito ng parusang 1st offense - multang P500; 2nd offense - multang P2,000; 3rd offense - multang P5,000 at isasailalim sa health seminar na isasagawa ng City Health Office o ng Department of Health (DOH) sa pakikipagtulungan ng local health units.
Samantala, ipapatupad ang "Anti-Spitting Ordinance of 2020" sa San Juan City matapos ang 15 araw na mailathala na ito sa mga diyaryo.