ni Anthony E. Servinio @Sports | August 31, 2024
Hindi nakisama ang lipad ng mga palaso ni Agustina Bantiloc at nagtapos na ang kanyang kampanya nang manaig sa kanya ang Brazilian para archer sa women's individual compound open elimination-round-of-16 kahapon at nagtapos din siya na ika-28 at huli sa Women’s Individual Compound Ranking Round ng 2024 Paris Paralympics Archery Huwebes ng gabi sa Les Invalides.
Nanaig ang bigatin na si #5 Jane Karla Gogel ng Brazil sa knockout round. Nakapagtala lang ng 51 sa perpektong 60 puntos si Bantiloc sa kanyang unang anim na palaso na katabla ni Jeong Jinyoung ng Timog Korea. Kung nakabawi si Jeong at umakyat sa ika-18, hindi na nakaahon ang Pinay at nanatili sa pinakailalim at nagtapos na may 618 mula sa 72 palaso na kanyang pinakamataas na iskor ngayong taon.
Si Gogel ay nagtapos na may iskor na 691. Ang papalarin ay haharapin ang magwawagi sa pagitan nina #12 Zhou Jiamin ng Tsina (676) at #21 Kerrie Leonard ng Ireland (653) sa Round of 16 sa Agosto 31.
Numero uno si Oznur Cure Girdi ng Turkiye na nagtala ng bagong World at Paralympic Record na 704. Inabot ng huling tira kung saan tinamaan niya ang 10 at siyam lang si Sheetal Devi ng India para magtapos sa 703 na hinigitan din ang dating World Record na 698 ni Phoebe Patterson Pine ng Gran Britanya at Paralympic Record na 694 ni Jessica Stretton ng Gran Britanya noong Tokyo 2020.
Sa lakas ng mga kalahok, linampasan din ng 696 ng pangatlong si Fatemeh Hemmati ng Iran ang Paralympic Record. Sina Girdi, Devi, Hemmati ang #4 Jodie Grinham ng Gran Britanya (693) ay pasok na sa Round of 16 at maghihintay ng makakalaban mula sa Round of 32.