ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 25, 2024
Photo: NU Lady Bulldogs - Shakey’s Super League
Walang nakapigil sa National University at kinolekta nila ang pangatlong sunod na Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Champion kontra De La Salle University Linggo ng gabi sa Rizal Memorial Coliseum.
Kinuha ng Lady Bulldogs ang Game Two sa apat na set – 23-25, 25-18, 25-16 at 25-20 – at tapusin ng maaga ang seryeng best-of-three, 2-0. Idinampot ng NU ang sarili matapos madulas sa unang set at inilabas ang bangis.
Nagpalitan ng pagkakataon ang mga bumida noong Game One noong Biyernes na sina Bella Belen, Alyssa Solomon at Evangeline Alinsug para sa kanilang bagong talagang coach Sherwin Meneses patungo sa kanyang unang tropeo para sa paaralan. Bumanat ng 19 puntos si Solomon habang 15 ang ambag ni Belen at 10 galing kay Alinsug.
Walang naka-10 sa Lady Spikers at siyam lang ang nagawa ni Angel Canino na hindi napigil ang kanilang pangalawang sunod na pagkabigo matapos walisin ang walong laro ng elimination hanggang semifinals.
Samantala, napunta ang pangatlong puwesto Far Eastern University na kinailangan ang limang set para manaig sa University of Santo Tomas. Kinuha ng Lady Tamaraws ang huling dalawang set – 20-25, 25-19, 23-25, 25-19 at 15-12 – tampok ang 18 puntos ni Tin Ubaldo.
Pagkatapos ng mga mainitang laro ay pinarangalan si Belen bilang Most Valuable Player at Best Open Spiker. Dinomina ang seremonya ng mga kakamping sina Best Opposite Spiker Solomon, Best Setter Camilla Lamina at Best Libero Shaira Jardio.
Ang iba pang mga tumanggap ng parangal ay sina Best Middle Blocker Amie Provido ng DLSU, Second Best Middle Blocker Jazlyn Ellarina ng FEU at Second Best Open Spiker Angeline Poyos ng UST. Paghahandaan na ng 18 lumahok na koponan ang kanilang mga liga na UAAP at NCAA na nalalapit na ang pagbubukas.