top of page
Search

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 20, 2022



Binura ng Dallas Mavericks ang lamang ng bisitang Utah Jazz sa huling 8 minuto upang makamit ang 110-104 panalo at itabla ang seryeng best-of-seven, 1-1 sa NBA Western Conference Playoffs, kahapon sa American Airlines Center. Humataw ang Philadelphia 76ers kontra Toronto Raptors, 112-98, upang gawing 2-0 ang kanilang serye sa Eastern Conference.


Binuo ni Donovan Mitchell ang three-point play para sa 93-86 lamang subalit sinagot ito ang 10 sunod-sunod na puntos ng Mavs upang lumamang, 96-93. Tinabla muli ng tres ni Royce O’Neale ang laban, 96-96, ngunit bumira ng dalawang three-points si Maxi Kleber, 102-96, at mula roon ay kumapit ang Dallas sa huling 3 minuto.


Kinailangang mag-doble ng trabaho ang Mavs at hindi naglaro sa pangalawang sunod na araw sina Luka Doncic at Tim Hardaway Jr. Bumuhos ng 41 puntos si Jalen Brunson habang nag-ambag ng 25 puntos si Kleber bilang reserba.


Sa first quarter lang pinaporma ng 76ers ang bisitang Raptors at lumobo ng 29 ang kanilang lamang bago magwakas ang 3rd quarter, 95-66, matapos ang magkasunod na three-points nina Matisse Thybulle at Tyrese Maxey. Sinubukan humabol ng Toronto sa likod nina Chris Boucher at OG Anunoby subalit masyadong malaki ang agwat at kapos sa panahon.


Double-double ang kandidato para sa Most Valuable Player Joel Embiid na 31 puntos at 11 rebound. Sinuportahan siya nina Maxey na may 23 puntos at Tobias Harris na may 20 puntos.


Pinagpag ng Golden State Warriors ang malamyang simula at tinambakan ang bisitang Denver Nuggets, 126-106, para umabante ng 2-0 sa serye. Ipinasok ng Nuggets ang unang 7 puntos ng laro at pinalaki nila ito sa 43-31 sa 2nd quarter subalit mula roon ay puro Warriors ang gumawa ng ingay at nagtayo ng 112-89 lamang na may 6:45 pa sa orasan.


 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 19, 2022



Tumersera puwesto ang pambato ng Pilipinas sa ASEAN Basketball League (ABL) International Champions Cup na ginanap noong Sabado at Linggo sa Discovery Shopping Mall sa Bali, Indonesia. Naisalba ng Platinum Karaoke ang 3rd place matapos talunin ang Vietnam, 15-8, at mauwi ang gantimpalang $2,000 (P104,500).


Tumanggap ng masakit na talo ang Platinum sa semifinals sa kamay ng Indonesia A, 13-15, matapos ang huling shoot ni Jamarr Johnson. Pumasok sa torneo ang koponang Pinoy na may pinakamataas na FIBA 3x3 Ranking sa pinagsamang talento nina Chris De Chavez at Juan Gomez de Liano at mga import Marcus Hammonds II ng Estados Unidos at Carlos Martinez ng España.


Naglabas ng kamandag ang Platinum at dinurog ang Bali United ng Indonesia, 21-4, at Khmer Stars ng Cambodia, 21-2, sa Grupo C ng elimination round noong Sabado. Sinundan ito ng 19-17 pagtakas sa Ahmedabad 3BL ng India na pinangunahan nina Vishesh Bhriguvanshi, Sahaij Sekhon at 6’10” Amritpal Singh na naglaro sa FIBA World Cup Qualifier noong Pebrero sa Araneta Coliseum at shooter Amjyot Singh na beterano ng Chooks To Go Pilipinas 3x3 noong 2019.


Nagtapos ng ika-8 ang isa pang koponan ng Pilipinas na Zamboanga Valientes MLV na yumuko sa Vietnam sa quarterfinals, 12-21. Hindi nanalo sa Grupo D ng eliminations ang kombinasyon nina Jojo Cunanan, RJ Argamino, Jeff Bernardo at David Sebastian sa Indonesia A, 12-21, at SniperX ng Thailand, 8-21, subalit bumawi at ginulat ang Bali United sa simula ng knockout playoffs, 18-17.


 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 19, 2022



Itinanghal na 2021-22 NBA MVP finalists ng liga sina reigning NBA Most Valuable Player Nikola Jokic ng Denver, Joel Embiid ng Philadelphia 76ers at Giannis Antetokounmpo ng reigning champion Milwaukee Bucks, kahapon.


Ang trio ng global superstar big men ang nag-angat sa kontensiyon ng kani-kanilang team at naghahabulan din para sa NBA crown ngayong playoffs.


Samantala, bumangon ang #2 Boston Celtics at inagaw ang panalo sa #7 Brooklyn Nets, 115-114, sa 2nd day ng NBA Playoffs, kahapon sa TD Garden. Pinatunayan din ng Miami Heat at Phoenix Suns bakit sila ang mga numero-unong koponan sa Eastern at Western Conference, matapos tambakan ang hiwalay na katunggali sa Game One ng seryeng best-of-seven.

Nasayang ang 39 puntos ni Kyrie Irving, kasama ang tres na nagbigay sa Nets ng 114-111 lamang at 45 segundo ang nalalabi. Sinagot ito ng shoot ni Brown upang lumapit, 113-114, at nagmintis ng tres si Kevin Durant kaya itinakbo agad ng Boston ang bola para ipanalo ang laban at makauna sa seryeng best-of-seven.


Bumanat ng walong 3-points ang reserbang si Duncan Robinson at nagtapos na may 27 puntos sa 23 minuto upang itulak ang Miami sa 115-91 tagumpay sa bisitang #8 Atlanta Hawks. Gumawa ng 13 puntos si Robinson sa 4th quarter kung saan umabot ng 32 ang lamang, 110-78, at 3:30 sa orasan.


Nalimitahan si Trae Young sa 8 puntos lang, lahat sa first half at hindi na siya naglaro sa 4th quarter. Malaking bagay din ang pagliban ni Clint Capela na napilay ang tuhod sa Play-In noong Sabado kung saan nanalo ang Hawks sa Cleveland Cavaliers, 107-101, para sa karapatang harapin ang Heat.


Hawak ng Phoenix ang lamang sa buong 48 minuto upang makamit ang 110-99 tagumpay sa bisitang #8 New Orleans Pelicans. Kumuha ng lakas ang Suns kay Chris Paul na may 30 puntos at 10 assist at Devin Booker na may 25 puntos.


Sinimulan ng #3 Milwaukee Bucks ang pormal na depensa ng korona sa 93-86 pagwagi sa bisitang #6 Chicago Bulls. Namuno sa Bucks si Giannis Antetokounmpo sa 27 puntos at 16 rebound kahit hindi siya pumuntos sa 4th quarter.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page