ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 22, 2022
Ipinasok ni Joel Embiid ang three-points na may 0.8 segundo sa orasan upang maging bayani sa 104-101 panalo sa overtime ng bisitang Philadelphia 76ers sa Toronto Raptors sa pagpapatuloy ng 2022 NBA Eastern Conference Playoffs, kahapon sa Scotiabank Arena, ang unang playoff sa lugar makalipas ang mahigit dalawang taon. Lamang na ang 76ers sa seryeng best-of-seven, 3-0, at maaaring wakasan na ito sa Game 4 sa Linggo.
Tinabla ng free throw ni OG Anunoby ang laban, 101-101, subalit nagmintis ang sumunod na tira at nasungkit ni Embiid ang rebound na sinundan ng timeout na may dalawang segundo sa orasan. Tinanggap ni Embiid ang pasa ni Danny Green sabay pihit sa harap ng depensa nina Fred VanVleet at Precious Achiuwa para sa nagpapanalong tres.
Sa overtime lang nakatikim ng lamang ang 76ers. Humabol ang mga bisita mula sa 38-21 abante ng Raptors sa second quarter sa likod nina Embiid, Tyrese Maxey at James Harden na nagsumite ng free throw na may 49 segundo sa fourth quarter at hindi na naka-shoot ang parehong koponan upang itakda ang overtime, 95-95.
Muling pinatunayan ni Embiid kung bakit dapat siya ang maging Kia Most Valuable Player ngayong taon sa kanyang 33 puntos at 12 rebound. Sinundan siya nina Maxey at Harden na parehong may 19 puntos habang may dagdag 10 assist si Harden.
Umarangkada sa 2-0 ang Boston Celtics sa Brooklyn Nets sa bisa ng 114-107 tagumpay sa kanilang hiwalay na serye sa East. Hawak ng Nets ang laro hanggang bumigay sa fourth quarter sa gitna ng depensa ng Celtics na nakaangkla sa bagong hirang na 2022 Kia Defensive Player of the Year Marcus Smart.
Binantayan nang mahigpit sina Kevin Durant at Kyrie Irving at unti-unting nabura ang 62-45 lamang ng Nets. Bumanat ng 11 sunod-sunod na puntos ang Boston sa simula ng fourth quarter upang maagaw ang lamang, 96-92, at hindi na nila binitawan ito sa nalalabing pitong minuto, salamat sa pinagsamang 10 puntos nina Jayson Tatum at Jaylen Brown.