top of page
Search

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 30, 2022



Walong matinik na koponan ang magtatagisan sa pangalawang edisyon ng Chooks To Go 3x3 Asia-Pacific Super Quest ngayong Sabado, Abril 30, sa Solenad sa Santa Rosa City, Laguna simula alas-12:00 ng tanghali. Ang isang araw na torneo ay hudyat ng pagbabalik ng 3x3 sa mga mall at magsisilbing qualifier para sa 2022 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters sa Mayo 28 at 29.


Ipagtatanggol ng Tokyo Dime ng Japan ang korona na napagwagian nila sa unang Super Quest noong Abril, 2019 sa SM Megamall. Ang numero unong bansa sa Asya sa 3x3 na Mongolia ay may dalawang kinatawan na Sansar MMC Energy at Zaisan MMC Energy.


Hindi magpapahuli ang punong-abalang Pilipinas sa kanilang tatlong pambato na Cebu Chooks, Manila Chooks at Butuan Chooks. Binubuo ang walong kalahok ng Melbourne ng Australia at Tangerang ng Indonesia.

Naglaro ang Cebu sa Doha Expo Super Quest noong nakaraang Marso at tatampukan ng numero unong manlalaro ng bansa na si Mark Jayven Tallo kasama sina Zachary Huang, Brandon Ramirez at Mike Harry Nzeusseu. Nasa Manila sina Mark Yee, Chico Lanete, Dennis Santos at Henry Iloka, habang ang bagong tatag na Butuan ay kabilang sina Joshua Webb, Jun Gabriel, Ron Dennison at Alvin Baetiong.


Hinati ang walong koponan sa dalawang grupo ng apat at maglalaro ng single round o tigatlong beses. Ang dalawang may pinakamataas na kartada sa bawat grupo ay tutuloy sa knockout crossover semifinals at finals para sa $10,000 (P523,650) at tiket sa Manila Masters.


Nasa Grupo A ang Zaisan, Tokyo, Manila at Melbourne, habang nabunot sa Grupo B ang Sansar, Cebu, Tangerang at Butuan. Maliban sa 3x3, aabangan din ang Slam Dunk Contest na gaganapin bago ang finals.


Biglang umikli sa isang araw ang torneo matapos hindi tumuloy ang ilang pambansang koponan na kasali sa parating na 31st Southeast Asian Games. Kinailangan nilang pumasok sa bubble bilang bahagi ng itinakdang health at safety protocol ng punong abalang Vietnam.


 
 
  • BULGAR
  • Apr 24, 2022

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 24, 2022



Bibida ang susunod na henerasyon ng mga basketbolistang Pinoy sa pagbabalik ng National Basketball League (NBL) Youth, ngayong araw sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga simula nang 3 p.m. Aabangan ang tagisan ng husay ng mga kinatawan sa U-19, U-16, U-14 at ang bagong tatag na NBL Junior.


Pangungunahan ang mga kalahok ng Pampanga Junior Delta, Taguig Junior Generals at Parañaque Junior Aces na parehong may koponan din sa propesyunal na NBL. Ilan pa sa mga nagpalista ay ang Pampanga Snipers, Cabuyao Titans, San Pedro, United Ballers, LDG San Pedro, Binan Alonte, Red Arc Bulacan, Marikina Shoe Capital at Nueva Ecija Golden Plains.


Babalik bilang Commissioner ng NBL Youth si Coach Benito “Bing” Victoria. Itinalaga si Joshua Paul Mercado bilang NBL Youth Ambassador at hindi itinago ng binata ang galak at maglalaro na sila muli ng kanyang mga kaibigan.


Samantala, tuloy din ang aksiyon sa NBL President’s Cup, handog ng Converge sa pagharap ng defending champion Pampanga Delta sa bisitang Parañaque Aces sa tampok na laro nang 6 p.m. Bago noon ay magsusubukan ang Quezon Barons at Taguig Generals sa 4 p.m.


May hiwalay na laro kagabi ang Delta at Generals laban sa Laguna Pistons at Narvacan Panthers. Ang Pampanga at Taguig ang nalalabing koponan na walang talo sa torneo kung saan ang apat na may pinakamataas na kartada sa pagwakas ng single round elimination ay tutuloy sa semifinals.



 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 24, 2022



Buong tapang na ipinasok ni Trae Young ng Atlanta Hawks ang nagpapanalong buslo na may 5 segundo sa orasan kontra sa numero unong Miami Heat, 111-110, sa pagpapatuloy ng NBA Eastern Conference Playoffs, kahapon sa State Farm Arena. Sa kabilang serye, nagising ang Milwaukee Bucks at dinurog ang Chicago Bulls, 111-81.


Tumawag agad ng timeout ang Miami, subalit hindi naipasok ni Jimmy Butler ang 3-points. Dahil sa panalo, nabuhayan ng pag-asa ang Hawks, subalit lamang pa rin ang Heat sa serye, 2-1. Nanguna si Young na may 10 ng kanyang 24 puntos sa 4th quarter. Sinuportahan siya ni Bogdan Bogdanovich na may 18 puntos buhat sa apat na tres.


Gumamit ng balanseng atake ang Bucks sa pangunguna ng reserbang si Grayson Allen na nagbagsak ng 22 puntos. Parehong may tig-18 puntos sina Giannis Antetokounmpo at Bobby Portis na humakot din ng 16 rebound.


May 8 minuto pa sa laro ay nagpasya na si Coach Mike Budenholzer na paupuin ang mga bituin at ipasok na ang lahat ng reserba at lalong lumobo ang lamang, 101-64. Mahalaga ang tagumpay ng Milwaukee matapos yumuko sa Bulls noong Game 2, 110-114.

Sa Western Conference, pinatunayan muli ni Chris Paul na nararapat na tawagin siyang “Point God” at mag-isang binuhat ang numero unong Phoenix Suns sa 114-111 na pagwagi sa New Orleans Hornets at umabante sa seryeng best-of-seven, 2-1.


Uminit sa 18 ng kabuuang 27 puntos na may kasamang 14 assist si Paul sa 4th quarter na nagsimula na lang ng dalawa ang Phoenix, 81-79. Nag-ambag din ng 28 puntos si Deandre Ayton at malaking bagay na umangat ang iba pa niyang kakampi at wala pang linaw kung kailan makalalaro si Devin Booker matapos masaktan ang hita sa 114-125 pagkabigo sa Game 2.


Samantala, si Coach James Borrego ng Charlotte Hornets ang unang coach na sinisante matapos ang kampanya ngayong taon. Nagtala ng kartadang 43-39 ang Hornets, subalit natalo agad sa Atlanta Hawks sa Play-In Tournament, 103-132.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page