ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 5, 2021
Mga laro sa Biyernes – Alcantara Big Dome
4:00 PM Talisay vs. Bohol
7:00 PM Mandaue vs. Siquijor
Tututok ang mundo ng basketball sa bayan ng Alcantara sa kanlurang baybayin ng Cebu kung saan gaganapin ang pagbukas ng Pilipinas VisMin Super Cup Visayas Division simula Abril 9 sa Alcantara Big Dome. Pitong koponan ang sasalang sa pinakaunang ligang propesyonal buhat sa Katimugang bahagi ng bansa habang pitong iba pa ang lalaro sa Mindanao Division sa susunod na buwan sa Dipolog City.
Ang pitong koponan ay ang Tubigon-Bohol Mariners, Dumaguete Warriors, ARQ Builders Lapu-Lapu Heroes, KCS Computer Specialists Mandaue, Siquijor Mystics, MJAS Zenith Talisay Aquastars at Tabogon Voyagers. Maglalaro sila ng dalawang round robin o 12 beses bawat isa hanggang Abril 29 at ang anim na may pinakamataas na kartada ay tutuloy sa playoffs simula sa Mayo 1.
Ang unang dalawang koponan ay pasok agad sa semifinals at maghihintay ng makakalaban hawak ang twice-to-beat sa mga magwawagi sa mga knockout games na #3 kontra #6 at #4 laban sa #5. Best of three ang serye para sa kampeonato ng Visayas sa Mayo 6 at 7 at kung kailangan, Mayo 8.
Tiyak na aani agad ng pansin ang mga kilalang beterano na pumirma sa mga koponan sa pangunguna ng Talisay na dala sina Paolo Hubalde, Patrick Cabahug, Jan Jamon, Val Acuna at Lester Alvarez. Nasa Mandaue sina Christopher Exciminiano, Gryann Mendoza at Al Francis Tamsi habang lalaro sa Lapu-Lapu sina Jerrick Canada, Reed Juntilla at Jercules Tangkay – ang tanging manlalaro na may karanasan sa Metropolitan Basketball Association na pumatok sa mga lalawigan mula 1998 hanggang 2002.
Ang iba pang mga beterano ay sina Leo Avenido ng Bohol, Harold Arboleda ng Tabogon at ang tambalan na Ryan Buenafe at Erick Rodriguez ng Siquijor. Kahit nandiyan ang mga ito, hindi magpapahuli ang mga kabataan sa pangunguna ng huling dalawang Most Valuable Player ng Cebu Schools Athletic Foundation na sina Jaybie Mantilla ng Dumaguete at Shaquille Imperial ng Mandaue na patunayan na nararapat silang mapabilang sa mga hanay ng propesyonal na atleta.
Agad magbubukas ang aksyon sa Mindanao Division at ang tatanghaling kampeon ay haharap sa kampeon ng Visayas para sa pangkalahatang kampeonato. Nakatakdang maglaro buhat sa Mindanao ang Basilan Peace Riders, Cagayan de Oro Rafters, Ozamiz City, Pagadian Explorers, Roxas Vanguards, Sindangan at Zamboanga City.