ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 10, 2021
Tama na ang dalawang sunod na talo at nagising ang numero unong Utah Jazz sa third quarter upang parusahan ang bisitang Portland Trail Blazers, 122-103, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Vivint Arena. Ito na rin ang ika-23 sunod na panalo ng Jazz sa kanilang tahanan matapos matalo sa unang dalawang noong Disyembre at umangat sa kartadang 39-13.
Walang nakapigil kay Donovan Mitchell na lumikha ng 37 puntos sa 33 minuto at sinundan ni Rudy Gobert na may 18 puntos at 21 rebound. Hindi naglaro si Pinoy pride Jordan Clarkson sa unang pagkakataon matapos mapilay sa kanang bukung-bukong noong isang araw.
Lalong humigpit ang karera sa taas ng Western Conference matapos pabagsakin ng Los Angeles Clippers ang bisitang Phoenix Suns, 113-103. Pumukol ng pitong tres si Paul George para sa 33 puntos at sinuportahan ni Kawhi Leonard na may 27 puntos.
Namayagpag ang Miami Heat sa second half upang masugpo ang defending champion Los Angeles Lakers, 110-104, at walisin ang kanilang dalawang tapatan ngayong taon. Bumida si Jimmy Butler na may 28 puntos habang nag-ambag ng 18 si Victor Oladipo bago mapilay ang tuhod na may 5:35 nalalabi sa laro at lamang ang Miami, 95-89.
Kinuha ng Dallas Mavericks ang pagkakataon na wala si MVP Giannis Antetokounmpo at pinadapa ang Milwaukee Bucks, 116-101. Uminit sina Luka Doncic para sa 27 puntos at Kristaps Porzingis para sa 26 puntos at 17 rebound.
Nakamit ng Chicago Bulls ang mahalagang panalo kontra sa Toronto Raptors, 122-113, upang lumaki ang pag-asa na makasama sa playoffs sa susunod na buwan. Parehong gumawa ng 22 puntos sina Nikola Vucevic at Zach LaVine na pumasa din ng 13 assist para sa kartadang 22-28 at ika-10 pwesto sa Eastern Conference.
Patuloy din ang laban ng Cleveland Cavaliers para sa playoffs at nagwagi sa Oklahoma City Thunder, 129-102. Bumuhos ng 27 puntos si Collin Sexton at tinulungan ng reserbang si Taurean Prince na may 12 ng kanyang 22 sa fourth quarter.