ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 13, 2021
Lalong nagiging mahirap na kalaban ang Miami Heat habang tumatagal ang torneo ng NBA at binigo nila ang Portland Trail Blazers, 107-98, kahapon sa Moda Center. Umangat sa ika-limang pwesto na ang Heat ni Pinoy pride Coach Erik Spoelstra sa Eastern Conference sa kartadang 28-25 panalo-talo sabay pasok ng mga ibang resulta.
Nagsumite ng 22 puntos si Bam Adebayo at tinulungan ni Jimmy Butler na may 20 puntos kung saan umabot ng 20 ang lamang ng Miami sa fourth quarter, 93-73. Matatandaan na pumasok ang Heat na pang-lima sa 2020 Playoffs at isa-isang pinauwi ang mga kalaban sa East bago natalo sa Los Angeles Lakers sa NBA Finals.
Nagising ang Los Angeles Clippers sa 4th quarter upang maiwasang mapahiya sa pumalag na kulelet sa East Detroit Pistons, 131-124, at matala ang kanilang ika-5 sunod na panalo. Nanguna si Marcus Morris Sr. na may 33 puntos habang may 32 si Paul George upang takpan ang pagpahinga kay Kawhi Leonard.
Ibinaon ni DeMar DeRozan ang nagpapanalong 2 puntos na may isang segundong nalalabi upang itulak ang San Antonio Spurs kontra sa Dallas Mavericks, 119-117, at wakasan ang kanilang limang sunod-sunod na talo. Nararapat lang itong katapusan sa mahusay na laro ni DeRozan na nagtapos na may 33 puntos at sinundan ni Dejounte Murray na may 25 puntos.
Dominado ang unang tatlong quarter, nagpabaya ang Atlanta Hawks subalit nagising sa huling 7 minuto upang habulin ang 10 puntos at masugpo ang Charlotte Hornets, 105-101. Bumida sa 10 ng kanyang 17 puntos si Lou Williams sa 4th quarter upang tulangan sina Bogdan Bogdanovic na pumukol ng walong tres para sa 32 puntos at Clint Capela na may 20 puntos at 15 rebound.
Bumida sina RJ Barret, Alec Burks at Julius Randle huling limang minuto upang maagaw ang panalo sa Toronto Raptors, 102-96, at pumantay ang kartada sa 27-27. Ipinasok ni Randle ang walo sa 26 puntos sa 4th quarter at sinundan ni Barrett na may 19 habang isinumite ng Burks ang lahat ng 8 puntos sa 4th quarter.