ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 26, 2021
Ginawaran si Pinoy Pride Jordan Clarkson ng Utah Jazz bilang 2021 Kia NBA Sixth Man Award kahapon, hudyat ng simula ng pagkilala ng liga sa mga manlalaro at personalidad ng katatapos na regular season. Pinatunayan ni Clarkson na siya ang pinakamahusay na reserba at hindi kailangan maging first five upang makatulong sa tinamasang tagumpay ng koponan.
Nakakuha siya ng 65 na boto para sa First Place mula sa 100 media mula sa buong daigdig upang talunin ang kakamping si Joe Ingles na may 34 boto habang napunta kay Derrick Rose ng New York Knicks ang nalalabing isang boto. Isusulat sa balota ang tatlong pangalan para sa First, Second at Third Place.
Nagtala si Clarkson ng 18.4 puntos sa loob ng 68 laro, pangalawa sa Jazz sa likod ng 26.4 ni All-Star Donovan Mitchell at pinakamataas sa kanyang pitong taon sa NBA. Bago lumipat sa Utah noong 2019, naglaro din si Clarkson sa Los Angeles Lakers mula 2014 hanggang 2018 at Cleveland Cavaliers mula 2018 hanggang 2019 kung saan pinayagan siya maglaro sa Gilas Pilipinas sa 2018 Asian Games sa Indonesia.
Ang iba pang tumanggap ng boto ay sina Jalen Brunson at Tim Hardaway Jr. ng Dallas Mavericks, Montrezl Harrell ng defending Los Angeles Lakers, Carmelo Anthony at Enes Kanter ng Portland Trail Blazers, Chris Boucher ng Toronto Raptors, Bobby Portis ng Milwaukee Bucks, TJ McConnell ng Indiana Pacers, Miles Bridges ng Charlotte Hornets, Shake Milton ng Philadelphia 76ers, Thaddeus Young ng Chicago Bulls at Facundo Campazzo ng Denver Nuggets. Si Harrell ang nagwagi ng Sixth Man noong 2020 subalit naglaro siya noon para sa Los Angeles Clippers.
Sa 2021 NBA Playoffs, pinalamig ng Milwaukee Bucks ang bisitang Miami Heat sa Fiserv Forum, 132-98, upang lumayo sa kanilang seryeng best of seven, 2-0. Nagpaulan ng 10 tres ang Bucks sa first quarter pa lang upang umabante at hindi na lumingon, 46-20.