ni Anthony E. Servinio @Sports | April 22, 2024
Walang Giannis Antetokounmpo, walang problema para sa Milwaukee Bucks at Damian Lillard at binugbog nila ang Indiana Pacers, 109-94 sa 2024 NBA Playoffs kahapon sa Fiserv Forum. Wagi rin ang numero unong Boston Celtics sa Miami Heat, 114-94, sa triple double ni Jayson Tatum.
Sa Western Conference, nilusutan ng Oklahoma City Thunder ang hamon ng bisitang New Orleans Pelicans, 94-92. Hinampas din ng LA Clippers ang Dallas Mavericks, 109-97.
Hindi pa rin naghilom ang pilay ni Giannis kaya nagtrabaho agad ng 35 puntos si Lillard sa first half pa lang para lumamang, 69-42. Kahit hindi na pumuntos si Lillard sa second half, nagtala ng 15 ng kanyang 23 na may kasamang 10 rebound si Khris Middleton upang alagaan ang agwat.
Kontrolado ng Celtics ang 48 minuto at umabot pa ng 34 ang bentahe nang maaga sa 4th quarter, 93-59. Kahit tambakan na at sigurado ang resulta, pinalaro pa rin ng buong 4th quarter si Tatum na pumasa ng tatlong assist upang mabuo ang kanyang triple double na 23 puntos, 10 rebound at 10 assist.
Kinailangan ng Thunder ang magkasunod na buslo at three-point play ni Shai Gilgeous-Alexander upang maagaw ang lamang, 93-90 at 33 segundong nalalabi. Nagbanta ang Pelicans sa shoot ni CJ McCollum, 92-93, pero ipinasok ni rookie Chet Holmgren ang isang free throw sabay mintis ang huling tira ni McCollum sabay tunog ng busina.
Nagtapos na may 28 puntos si SGA. Bago ang laro, nalaman na nominado si SGA para MVP ng liga kasama sina Luka Doncic ng Mavericks at Nikola Jokic ng Denver Nuggets.
Sa isa pang laro, hindi pinaporma ng Clippers ang Mavs sa likod ni James Harden na may 28 at Paul George na may 22. Mahusay pa rin sina Doncic na may 33 at Kyrie Irving na may 31 subalit kinapos ng tulong sa kakampi.