ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 08, 2021
Nanalo na rin sa wakas ang Los Angeles Clippers sa kanilang tahanan Staples Center sa Game Seven ng kanilang serye kontra sa Dallas Mavericks, 126-111, sa tampok na laro sa NBA Playoffs kahapon. Saglit lang ang kanilang magiging pahinga at lalakbay upang harapin ang numero unong Utah Jazz sa seryeng best of seven sa Western Conference semis simula sa Miyerkules.
Sa serye kung saan laging wagi ang bisita sa unang anim na laro, tiniyak ng Clippers na hindi na ito mauulit at umarangkada sa 3rd quarter sa likod ng tatlong tres ni Marcus Morris Sr. Mula roon ay nagtulungan ang mga All-Star Kawhi Leonard at Paul George na paabutin ng 19 ang lamang, 105-87, at nararapat lang na ibaon ni Morris ang pandiin na tres, 120-107 at 1:16 sa orasan.
Pitong tres ang pinasok ni Morris na kambal ni Markieff Morris ng LA Lakers para sa 23 puntos upang suportahan sina Leonard na may 28 puntos at 10 rebound at George na may 22 puntos at 10 assist. Kinapos si Luka Doncic sa 46 puntos at 14 assist para sa Mavs.
Sa Eastern Conference semis, ginulat ng bisitang Atlanta Hawks ang Philadelphia 76ers, 128-124, upang buksan ang seryeng best of seven. Magkikita muli ang dalawang panig sa Miyerkules para sa Game 2 sa Wells Fargo Center.
Binuhos ng Atlanta ang unang 11 puntos ng second quarter upang itayo ang kanilang pinakamalaking lamang, 53-27, subalit ayaw mapahiya ang Philadelphia sa sariling tahanan at humabol hanggang maging dalawang puntos nalang ang pagitan matapos ang dunk ni Ben Simmons at 10 segundo sa orasan, 124-126. Agad binigyan ng foul si Bogdan Bogdanovic at walang kaba niyang ipinasok ang dalawang free throw upang masigurado ang panalo.
Umapoy si Trae Young para sa 25 ng kanyang 35 puntos sa first half pa lang na may kasamang 10 assist habang may tig-21 sina Bogdanovic at John Collins. Kahit may pilay sa tuhod, naglaro si Joel Embiid at nagbagsak ng 39 puntos at sinundan nina Seth Curry na may 21 at Tobias Harris na may 20 puntos.