ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 18, 2021
Binura ng bisitang Atlanta Hawks ang 26 puntos na lamang ng Philadelphia 76ers upang matakas ang 109-106 na panalo sa Game Five ng Eastern Conference semifinals ng 2021 NBA Playoffs kahapon mula sa Wells Fargo Center. Uminit muli si Trae Young sa fourth quarter, kasama ang mahalagang free throw, at isang panalo na lang ang kailangan ng Hawks para makapasok sa East Finals.
Lamang ang 76ers sa third quarter, 72-46, subalit nagtiyaga ang Hawks at bumuhos ng 11 sunod-sunod na puntos para maagaw ang lamang sa bisa ng tatlong free throw ni Young na may 1:26 sa orasan, 105-104. Sinundan ito ng buslo ni Danilo Gallinari para lalong lumayo, 107-104, at hindi napasok ni Joel Embiid ang kanyang dalawang free throw na may 10 segundong nalalabi.
Nagdagdag pa ng dalawang free throw si Young upang magtapos na may 13 ng kanyang 39 puntos sa fourth quarter at sinundan ni John Collins na may 19 puntos at 11 rebound. Ginawa ni Embiid ang 17 ng kanyang 37 puntos sa first quarter na may kasamang 13 rebound habang pumukol ng pitong tres si Seth Curry para sa 36 puntos.
Sa Western Conference, inangat ni Paul George ang kanyang laro upang takpan ang pagliban ni Kawhi Leonard dahil pilay ang tuhod at nanalo ng ikatlong sunod ang bisitang Los Angeles Clippers sa numero unong Utah Jazz, 119-111. Maaaring wakasan ng Clippers ang seryeng best of seven sa Game Six ngayong Sabado sa Los Angeles.
Naghahanda na maglaro ang Phoenix Suns sa West Finals kontra sa Clippers o Jazz na wala ang kanilang beteranong gwardiya Chris Paul matapos siyang ipasok sa health at safety protocol. Hindi pa tiyak kung kailan siya makakabalik.
Samantala, iginawad ang 2021 Kia NBA Rookie of the Year kay LaMelo Ball ng Charlotte Hornets. Nakakuha siya ng 84 sa 99 boto ng mga hurado upang talunin ang mga ibang nominado na sina Anthony Edwards ng Minnesota Timberwolves, Tyrese Haliburton ng Sacramento Kings at Sadiq Bey ng Detroit Pistons.