ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 23, 2021
Kevin Durant at James Harden - Associated Press
Matapos mabigo sa 2021 NBA Playoffs, sisikapin ng tambalang Kevin Durant at James Harden ng Brooklyn Nets na bigyan ang U.S. ng kanilang ika-apat na sunod na gintong medalya sa Men’s Basketball ng 2020 Tokyo Olympics mula Hulyo 23 hanggang Agosto 8. Ang dalawang bituin ang pinakabagong dagdag sa binubuong listahan ng USA Basketball para sa koponan na hahawakan ni Coach Gregg Popovich ng San Antonio Spurs.
Sasamahan ng dalawang Nets ang mga nauna nang naghayag ng kanilang kahandaan na maglaro na sina Damian Lillard ng Portland Trail Blazers, Jayson Tatum ng Boston Celtics, Bam Adebayo ng Miami Heat, Draymond Green ng Golden State Warriors, Bradley Beal ng Washington Wizards at Devin Booker ng Phoenix Suns. Nakatakdang magsimula ang ensayo sa Las Vegas, Nevada sa Hulyo 6 at inaasahan na kumpleto na ang koponan sa nasabing araw.
Ito ang magiging unang Olympics para kay Lillard, Tatum, Adebayo, Beal at Booker. Sina Durant at Green ay beterano ng Rio 2016 habang magkakampi sina Durant at Harden noong London 2012.
Makakalaban ng Team USA sa Grupo A ang Pransiya, Iran at ang magwawagi sa Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Canada na magsisimula ngayong Hunyo 29. Simula sa Dream Team sa Barcelona 1992, isang beses lang natalo ang koponan na puro galing NBA at ito ay sa Athens 2004 kung saan nanaig ang Argentina.
Kung hindi pa malinaw ang mga kalalakihan, inilabas na ng USA Basketball ang listahan ng mga kababaihan na binubuo ng isang dosenang bituin ng WNBA sa pangunguna nina Sue Bird, Breanna Stewart at Jewell Loyd ng 2020 WNBA champion Seattle Storm at Coach Dawn Staley ng University of South Carolina.
Samantala, susubukan ni Booker at ng Phoenix Suns ang makamit ang 2-0 lamang sa kanilang seryeng best of seven sa Western Conference Finals ng 2021 NBA Playoffs laban sa Los Angeles Clippers sa Game Two ngayong araw sa Phoenix Suns Arena simula 9:00 ng umaga. Umapoy si Booker para sa 40 puntos, 13 rebound at 11 assist sa 120-114 tagumpay ng Suns sa Game One noong isang araw.