ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 05, 2021
Magkasabay silang pumasok sa liga noong 1968 at ngayon ay maghaharap ang Milwaukee Bucks at Phoenix Suns para sa 2021 NBA World Championship! Nakamit ng Bucks ang inaasam na tiket patungong NBA Finals matapos talunin ang palaban na Atlanta Hawks, 118-107, sa Game Six ng Eastern Conference Finals kahapon sa State Farm Arena.
Bumida si Khris Middleton sa third quarter kung saan mag-isa niyang ipinasok ang 13 sunod-sunod na puntos upang lumayo ang Bucks, 60-45, at lalong lumaki ito sa 22 matapos ang tres ni Pat Connaughton upang buksan ang fourth quarter, 94-72.
Nagpabaya ng maaga ang Milwaukee at kinuha ng Atlanta ang pagkakataon upang lumapit, 101-107, subalit sinagot ito ng buslo ni Jrue Holiday at dalawang free throw ni Middleton upang ibalik sa 10 ang lamang ng Bucks papasok sa huling tatlong minuto, 111-101.
Nagtapos si Middleton na may 22 ng kanyang kabuuang 32 puntos sa third quarter at sinundan ni Holiday na may 27. Hindi pinalaro si Giannis Antetokounmpo subalit nagbihis si Trae Young para sa Hawks sa gitna ng kanyang iniindang pasa sa buto sa bukong-bukong
Kahit nandoon si Young sa first five, inunahan agad ng bisitang Bucks ang Hawks at tumalon sa 7-0 na maagang lamang. Inabot ng pitong minuto bago nakapuntos si Young sa bisa ng three-point play upang magbanta, 16-18, subalit kumapit ang Milwaukee para makuha ang first quarter at hindi na lumingon, 28-24.
Nanguna ang reserbang si Cam Reddish para sa Hawks sa kanyang 21 puntos buhat sa anim na tres. Sumunod sina Bogdan Bogdanovich na may 20 puntos at Young na may pito ng kanyang 14 puntos sa fourth quarter.
Nakatakda ang Game One ng 2021 NBA Finals ngayong Miyerkules (Hulyo 7) sa Phoenix Suns Arena simula 9:00 ng umaga, oras sa Pilipinas. Sa Phoenix din ang Game Two sa Biyernes (Hulyo 9) bago lilipat ang seryeng best of seven sa Fiserv Forum para sa Game Four sa Hulyo 12 at Game Five sa Hulyo 15.
Umaasa ang Bucks na hihilom na ang pilay sa tuhod ni Antetokoumpo bago ang Game One. Sa likod ng mga alamat na sina Lew Alcindor (Kareem Abdul-Jabbar) at Oscar Robertson, winalis ng Milwaukee sa apat na laro ang Baltimore Bullets (ngayon ay Washington Wizards) para sa kanilang nag-iisang NBA World Championship noong 1971 – ang ikatlong taon ng prangkisa na isang marka na malamang hindi na malalampasan o mapapantayan bilang pinakamabilis na makuha ang unang kampeonato.