ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 19, 2021
Pinangunahan ni gwardiya Jrue Holiday ang malaking pag-arangkada ng bisitang Milwaukee Bucks sa second quarter at nagtira para sa nakakapanabik na pagtatapos upang tuluyang pabagsakin ang Phoenix Suns, 123-119, sa mahalagang Game Five ng 2021 NBA Finals kahapon sa Phoenix Suns Arena. Naagaw ng Bucks ang 3-2 lamang sa seryeng best of seven at maaaring wakasan na nila ito sa Game Six ngayong Miyerkules sa Fiserv Forum.
Pinatahimik ni Holiday ang Suns at kanyang mga kritiko at bumuhos ng 14 puntos sa second quarter at ibigay sa Bucks ang 64-61 na lamang sa halftime. Bago noon, tumalon ang Phoenix sa maagang 32-16 lamang sa first quarter na natapos sa 37-21 sa likod ng 11 puntos ni Devin Booker.
Hindi pa tapos doon si Holiday at itinayo ang 108-94 na lamang sa fourth quarter. Nagawang lumapit ang Phoenix ng isa matapos ang tres ni Booker at saksak ni Chris Paul, 119-120, subalit kumapit ng mabuti ang Milwaukee sa huling 56 segundo para sa kanilang ikatlong sunod na tagumpay sa serye at unang panalo para sa bisitang koponan.
Nagmintis ang pilit na tira ni Khris Middleton subalit tInuldukan ni Holiday ang kanyang pagiging bayani at inagaw ang bola kay Booker at pinasa kay Giannis para sa dunk sabay bigay ng foul ni Paul, 122-119. Hindi napasok ang bonus free throw subalit nakuha ni Middleton ang rebound at foul ni Booker para sa isa pang free throw at siyam na segundo sa orasan para masigurado ang panalo.
Namayani ang Big Three ng Bucks sa pangunguna ni Giannis na may 32 puntos. Malaki ang ambag nina Middleton na may 29 puntos at Holiday na may 27. Nasayang muli ang 40 puntos ni Booker pati na rin ang double-double ni Paul na 21 puntos at 11 assist. Nagdagdag ng 20 puntos at 10 rebound si Deandre Ayton.
Bago ang laro, nakatanggap ng masamang balita ang Bucks at si Giannis matapos ipasok sa COVID-19 protocol ang kanyang kuya at kakampi Thanasis Antetokounmpo. Tila hindi muna nagpa-apekto ang koponan at agad nagtrabaho para sa inaasam na tagumpay.