ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 08, 2021
Nakamit ng U.S.A. ang kanilang ika-apat na sunod na gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympics Men’s Basketball matapos makaganti sa Pransiya, 87-82, Sabado ng umaga sa Saitama Super Arena. Hindi na nag-aksaya ng panahon ang mga Amerikano at first quarter pa lang ay ipinakita nila kung sino ang hari at nagtira ng lakas para sa makapigil hiningang pagtatapos.
Tinuldukan ni Kevin Durant ang kanyang halimaw na laro sa dalawang free throw na may walong segundo sa orasan upang matiyak ang tagumpay. Unti-unting ibinura ng mga Pranses ang 71-57 lamang ng Team USA sa third quarter hanggang naging tatlo na lang ito matapos ang dalawang free throw ni Nando de Colo na may 10 segundong nalalabi, 82-85, subalit bumida ng isa pang beses si Durant.
Kabaligtaran sa karamihan ng kanilang mga laro sa torneo, lumamang agad ng maaga ang Team USA at hindi na nila binitawan ito kung saan 12 puntos agad ang sinumite ni Durant upang makuha ang first quarter, 22-18. Lumamang sila ng 13 sa second quarter, 39-26, subalit pumalag ang mga Pranses at naging lima na lang ang agwat pagsapit ng halftime, 44-39, sa likod nina Rudy Gobert at Evan Fournier.
Tinutukan ng depensa si Fournier at wala siyang nagawang puntos sa third quarter matapos ang 11 sa first half. Ginamit itong pagkakataon para lalong diinan ni Durant at Jayson Tatum ang atake para sa 71-63 lamang papasok sa huling quarter. Nagtapos si Durant na may 29 puntos at sinundan ni Tatum na may 19 puntos. Nag-ambag ng tig-11 puntos sina Damian Lillard at Jrue Holiday.
Nanguna sa Pransiya sina Gobert at Fournier na parehong may 16 puntos. Sumunod si Guerschon Yabusele na may 13 at de Colo na may 11 puntos.