top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 1, 2024


Pumulot ng mahalagang tagumpay sa NBA Playoffs kahapon ang Cleveland Cavaliers kontra Orlando Magic, 104-103, upang lumamang ng 3-2 sa serye sa Rocket Mortgage Field House. Parehong ding nanatiling buhay ang Milwaukee Bucks at Philadelphia 76ers sa kanilang mga serye.


Matapos ang dalawang malamyang pagkabigo sa tahanan ng Magic na nagtabla ng serye sa 2-2, umuwi ang Cavs subalit pumalag pa rin ang Orlando. Lamang lang ng 102-100 ang Cleveland at sinalba sila ng depensa ni Evan Mobley na pinalpal ang tira ni Franz Wagner na magpapatabla sana.


Binigyan ng foul si Donovan Mitchell at walang kabang ipinasok ang mga free throw para maging 104-100 at sinara ni Paolo Banchero ng Magic ang laro sa tres sa huling busina. Bumanat ng 14 ng kanyang 28 sa fourth quarter si Mitchell.


Tinambakan ng Bucks ang bisitang Indiana Pacers, 115-92, at maantala ang pagsungkit ng Pacers sa seryeng-best-of-seven. Parehong double-double sina Khris Middleton na 29 puntos at 12 rebound at Bobby Portis na 29 at 10 rebound.


Patuloy ang pangungulila ng Bucks sa kanilang mga pilay na bituin Giannis Antetokounmpo at Damian Lillard subalit inangat ng kanilang mga kakampi ang laro at nahuling natutulog ang dapat ay matalas na opensa ng Pacers. Kumilos ang Milwaukee sa second quarter kung saan nagsama para sa 19 sina Patrick Beverley at Middleton para maagaw ang lamang, 53-48, at hindi na nila ito ipinamigay hanggang lumobo sa 107-80 sa salpak ni Portis.


Uminit para sa 46 si Most Improved Player Tyrese Maxey at ginulat ng bisitang 76ers ang paboritong New York Knicks sa overtime, 112-106. Triple double si MVP Joel Embiid na 19, 16 rebound at 10 assist.


Bumira si Maxey ng three-points na may siyam na segundo sa fourth quarter, 97-97, at itakda ang karagdang limang minuto. Namayagpag pa rin si Maxey sa overtime at tinuldukan ang laro ng dalawang paniguradong free throw sa huling limang segundo.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 29, 2024



Pasok na ang Minnesota Timberwolves sa Western Conference Semifinals ng 2024 NBA Playoffs matapos palubugin ang Phoenix Suns, 122-116, kahapon sa Footprint Center. Nagwakas ang seryeng best-of-seven, 4-0 at hihintayin ng Timberwolves ang magwawagi sa serye ng Los Angeles Lakers at World Champion Denver Nuggets.


Kahit wagi ay tinamaan ng malas ang Minnesota at napilay ang tuhod ni Coach Chris Finch matapos mabangga ni Mike Conley habang nakikipag-agawan ng bola kay Devin Booker ng Suns na may 1:41 nalalabi at lamang ang Timberwolves, 117-113. Inakay palabas si Coach Finch.


Ipinasok ni Conley ang mga free throw sa foul ni Booker, 119-113, subalit sinagot ito ng mga free throw ni Booker sa foul ni Anthony Edwards, 115-119. Biglang pumiglas si Edwards para sa malakas na dunk na nagselyo ng resulta na may 20 segundong nalalabi, 121-115.

Umapoy si Edwards para sa 16 ng kanyang kabuuang 40 puntos sa 4th quarter. Ito ang unang pagkakataon na nanalo ang prangkisa ng serye mula pa noong 2004 kung saan umabot sila hanggang West Finals.


Sa ibang serye, pinisa ng Indiana Pacers ang kulang na Milwaukee Bucks, 126-113 at maging 3-1 ang kanilang serye. Wala na ang pilay na bituin Giannis Antetokounmpo at Damian Lillard, pinalabas pa si Bobby Portis 7 minuto pa lang ang lumilipas nang itulak at hampasin sa ulo si Andrew Nembhard.


Sa pagkawala ni Portis, namayani si sentro Myles Turner na may 29 habang may ambag na 24 si Tyrese Haliburton. Napilitang ibuhat nina Brook Lopez na may 27 at Khris Middleton na may 25 ang Bucks subalit kinapos.


Tabla na sa 2-2 ang serye ng LA Clippers at Dallas Mavericks matapos magwagi ang Clippers, 116-111, sa 33 ni James Harden. Bumuhos ng 47 si Jalen Brunson upang itulak ang New York Knicks sa Philadelphia 76ers, 97-92, at gawing 3-1 ang kanilang serye.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 28, 2024




Nakabawi ng malaki ang numero unong Boston Celtics kontra Miami Heat, 104-84, at maagaw ang bentahe sa kanilang seryeng best-of-seven, 2-1, sa paglipat ng 2024 NBA Playoffs sa Kaseya Center kahapon. Naiwasan din ang Los Angeles Lakers ang maagang bakasyon at inantala ang martsa ng World Champion Denver Nuggets, 119-108.


Nadapa ang Celtics sa kanilang tahanan noong isang araw, 101-111. Isang mas mabangis na Boston ang dumating at isang beses lang naitabla ng Miami ang laro, 3-3, matapos ang three-point play in Bam Adebayo.


Mula roon ay puro Boston na ang naging laman ng kuwento sa likod nina Kristaps Porzingis at Jaylen Brown. Pagsapit ng fourth quarter ay 29 na pagitan sa shoot ni Jayson Tatum, 93-64, at 8:27 nalalabi.


Parehong may 22 puntos sina Brown at Tatum na humakot rin ng 11 rebound. Nagtapos na may 20 si Adebayo.


Naiwasan ng Lakers na mawalis ng Nuggets at lamang sila buong 48 minuto. Dumating ang knockout sa magkasunod na buslo nina Anthony Davis at LeBron James at tinuldukan ng three-points ni D’Angelo Russell, 106-87, at anim na minuto sa orasan.


Nagtala ng 30 si LBJ habang halimaw si Davis na 25 at 23 rebound. Nasayang ang triple double ni Nikola Jokic na 33, 14 rebound at 14 assist.


Samantala, naitabla sa 2-2 ng Orlando Magic ang serye sa Cleveland Cavaliers, 112-89. Bumida si Franz Wagner sa kanyang 34 puntos at 13 rebound.


Isang panalo na lang ang kailangan ng numero uno ng West Oklahoma City Thunder na nanaig sa naghihingalong New Orleans Pelicans, 106-85. Bumuhos ng 24 si Shai Gilgeous-Alexander at malaki ang suporta nina Josh Giddey at Jalen Williams na tig-21 puntos.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page