ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 27, 2021
Natikman agad ni Gary Bejino ang taas ng kalidad ng kompetisyon sa 2020+1 Tokyo Paralympics Swimming. Nagtapos ang 25 anyos na bagitong Paralympian sa 6th place sa pangalawang Heat ng 200M Individual Medley SM6 kahapon ng umaga sa Tokyo Aquatics Center.
Lumangoy sa Lane 7, umoras si Bejino ng 3:17.19, malayo sa isinumiteng oras na 3:08.64. Gaya ng inaasahan, nanaig ang mga paborito sa pangunguna nina Andrei Granichka ng Russian Paralympic Committee (2:45.95), Jia Hongguang ng Tsina (2:48.28) at Talisson Henrique Glock ng Brazil (2:49.49) na tumuloy lahat sa finals.
Tanging ang 8 pinakamabilis mula sa 17 na lumangoy sa tatlong Heat ang papasok sa finals na pangungunahan ni Nelson Crispin ng Colombia na wagi sa pangatlong Heat sa oras na 2:43.07. Nagtapos si Bejino sa ika-17 at huling puwesto subalit nananatiling buo ang loob na bumawi sa mga susunod na karera sa 50M Butterfly S6, 400M Freestyle S6 at 100M Backstroke S6.
Sasabak sa aksyon ngayong araw ang kapwa-swimmer na si Ernie Gawilan sa 200M Individual Medley SM7 simula 9:00 ng umaga, oras sa Pilipinas. Katulad ni Bejino, malaking hamon ang haharapin ni Gawilan dahil siya ang may pinakamabagal na isinumiteng oras sa anim na kalahok sa Heat One na 2:52:43.
Makakatapat ng Pinoy sina Mark Malyar ng Israel (2:33.34), Inaki Basiloff ng Argentina (2:34.24), Andrii Trusov ng Ukraine (2:35.28), Rudy Garcia-Tolson ng U.S. (2:41.45) at Egor Efrosinin ng Russian Paralympic Committee (2:43.32). Ang World Record at Paralympic Record na 2:30.72 ay hawak ni Yevhenii Bohodaiko ng Ukraine na lalangoy sa pangalawang Heat.
Nagwagi ng gold medal si Gawilan sa parehong karera noong 2018 Asian Para Games sa Indonesia sa oras na 2:52.43. Ang walong pinakamabilis sa 13 atleta ang papasok sa finals ng 5:50 p.m. sa parehong araw.
Sisimulan din ni Wheelchair Racer Jerrold Pete Mangliwan ang kampanya sa Athletics sa 400M T52 simula 9:40 ng umaga sa Olympic Stadium. Nakalista ang tubong Tabuk City, Kalinga na si Mangliwan sa Heat One kung saan ang 3 pinakamabilis ay tutuloy agad sa finals simula ng 7:15 p.m.
Nagsumite si Mangliwan na oras na 1:02.17 na siyang pinakamabagal sa 5 kalahok. Ang maagang paborito sa karera ay sina Raymond Martin ng U.S. (55.19) at Hirokazu Ueyonabaru ng Japan (55.19) kasama sina Alejandro de Jesus Perez ng Mexico (1:00.01) at Thomas Geierspichler ng Austria (1:00.44).
Ang World Record na 55.13 ay hawak ni Tomoki Sato ng Japan na kakarera sa Heat 2. Kung hindi makakatapos sa unang tatlong puwesto, ang dalawang may pinakamabilis na oras sa mga nalalabing atleta ang bubuo sa walo na lalaro sa finals.
Nais ni Mangliwan na lampasan ang ika-7 puwesto sa parehong karera noong 2016 Rio Paralympics kung saan umoras siya ng 1:04.93. Sina Gawilan at Mangliwan ang tanging may karanasan sa Paralympics sa limang ipinadalang atleta sa Pilipinas.