ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 24, 2021
Isang tabla lang ang kailangan ng Philippine Women’s Football National Team laban sa Hong Kong ngayong araw at pasok na sila sa inaasam na 2022 AFC Women’s Asian Cup. Nakatakda ang mahalagang qualifier ng 6 p.m. mula sa JAR Stadium ng Tashkent, Uzbekistan.
Kasalukuyang lamang ang Malditas sa Grupo F na may 3 puntos habang may tig-1 puntos ang Hong Kong at Nepal. Napadali ang trabaho nila matapos magtabla na walang naitalang goal ang Hong Kong at Nepal noong Miyerkules.
Todo ganado pa rin ang Malditas galing sa kanilang makapigil hiningang 2-1 tagumpay sa Nepal noong Sabado. Humabol ang mga Pinay mula sa 0-1 pagkalugmok at gumawa ng dalawang magkasunod na goal sa huling mga minuto ang mga bayaning sina Tahnai Annis at Camille Wilson upang maiwasang mapahiya.
Nagwagi ang Hong Kong sa Pilipinas, 2-0, noong 2001 AFC Women’s Asian Cup sa Chinese-Taipei. Subalit mula roon ay malaki ang inunlad ng Women’s Football matapos tumuklas at nagdatingan ang mga Filipinang manlalaro galing sa U.S. at Europa.
Pasok na sa 2022 AFCWomen’s Asian Cup ang defending champion Japan, Australia at Tsina sa bisa ng kanilang mataas na pagtatapos sa huling edisyon noong 2018 sa Jordan. Pasok din ang punong abalang India na huling lumahok noong 2003 sa Thailand.
Ang torneo ay magsisilbing qualifier para sa mga kinatawan ng kontinente sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand. Pasok na ang Australia bilang isa sa mga punong abala kaya may lima pang tiket na nakalaan para sa Asya.