ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 09, 2021
Binigyan ng bisitang Miami Heat ng matinding aral ang Houston Rockets, 113-106, sa NBA Preseason kahapon mula sa Toyota Center. Kahit bigo, maganda muli ang ipinakita ni Fil-Am rookie Jalen Green na napipisil na bagong bituin ng koponan.
Dominado ng Heat ang buong laban at umabot ng 21 ang lamang matapos ang tatlong quarter, 91-70. Pumalag ang Rockets at lumapit na may 1:11 sa orasan, 104-109, subalit ipinasok ni Dru Smith ang apat na free throw para mauwi ang tagumpay.
Pumukol ng apat na tres si Tyler Herro para pangunahan ang Heat sa kanyang 24 puntos bilang reserba. Limang tres ang idinagdag ni Duncan Robinson para sa 20 puntos at 15 puntos si Tokyo Olympics gold medalist Bam Adebayo.
Kahit hindi siya pumuntos sa fourth quarter, namuno pa rin si Green sa 20 puntos sa loob ng 28 minuto. Sumunod sina Christian Wood na may 13 puntos at Kevin Porter Jr. at Josh Christopher na parehong may 12 puntos.
Ang patuloy ng pag-usbong ng laro ni Green ay mahalaga sa kinabukasan ng Rockets na pinakakulelat sa buong NBA noong nakaraang taon sa kartadang 17-55. Muling hindi naglaro si All-Star John Wall at nakakasigurado na bilang na ang kanyang mga araw sa Houston at lilipat ito sa ibang koponan.