top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 10, 2024



Nabunot ang Philippine Football League (PFL) defending champion Kaya FC Iloilo sa Grupo B ng 2024-2025 Shopee Cup matapos ang opisyal na seremonya Huwebes sa Ho Chi Minh City. Ang torneo ay tatakbo mula Hulyo 17 hanggang Mayo 21, 2025 at ang pagbabalik ng ASEAN Club Championship na huling inilaro noong 2005.


Kasama ng Kaya sa grupo ang Buriram United ng Thailand, Kuala Lumpur City ng Malaysia, Cong An Nhan Dan ng Vietnam, Borneo Samarinda ng Indonesia at Lion City Sailors ng Singapore. Ang Grupo A ay binubuo ng BG Pathum United ng Thailand, Terengganu ng Malaysia, PSM Makassar ng Indonesia, Thanh Hoa ng Vietnam at ang mga magwawagi sa mga hiwalay na serye sa pagitan ng Young Elephants ng Laos kontra PKR Svay Rieng ng Cambodia at Kasuka ng Brunei laban sa Shan United ng Myanmar.


Samantala, winalis ng Kaya ang dalawang laro sa PFL sa kanilang tahanan Campo Alcantara Stadium sa loob ng Hacienda Verde sa Bayan ng Pavia. Pinabagsak ang bisitang Philippine Air Force, 9-0, noong Miyerkules upang maagaw ang liderato sa liga na may 16 puntos mula sa 5 panalo at tabla.


Bumida muli si Jarvey Gayoso at nagtala ng apat na goal sa ika-21, 30, 68 at 72 minuto upang umakyat sa 10 sa anim na laro. Ang iba pang goal ay galing kay Maru Angeles (14’, 77’), Mar Vincent Diano (61’), Bandiogou Konate (76’) at Lee Dok Yung (84’).


Noong nakaraang Linggo ay nanaig ang Kaya sa Dynamic Herb Cebu, 1-0, sa goal ni Robert Lopez Mendy sa karagdagang oras. May isa pang laro ang Kaya sa Iloilo kontra Philippine Army sa Hunyo 22.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 3, 2024




Itinakda ng New York Knicks at Indiana Pacers ang kanilang tapatan sa Eastern Conference Semifinals matapos ang magkaibang panalo sa pagpapatuloy ng 2024 NBA Playoffs. Tumakas ang Knicks sa hamon ng Philadelphia 76ers, 118-115, habang tinambakan ng Pacers ang Milwaukee Bucks, 120-98, at parehong nagwakas ang kanilang mga seryeng best-of-seven, 4-2.


Walang-kabang ipinasok ni Jalen Brunson ang dalawang free throw na may walong segundong nalalabi upang itakda sa tatlo ang lamang ng New York, 118-115. Ibinato agad ni Buddy Hield ang bola mula 27 talampakan pero hindi ito pumasok at tumahimik ang Wells Fargo Center.


Nanguna si Brunson na may 41 puntos sa 43 minuto sa gitna ng paggamit lang ni Coach Tom Thibodeaux ng pitong manlalaro lang. Sumunod si Donte DiVincenzo na may 23 at naglaro ng walang pahinga na 48 minuto.


Nasayang ang 39 puntos at 13 rebound ni MVP Joel Embiid. Sumuporta sina Tyrese Maxey at Kelly Oubre na parehong may 17. Uminit agad si Tyrese Haliburton para sa 10 sa first quarter para sa 33-24 bentahe ng Pacers. Tuluyang pinaguho ng Indiana ang Milwaukee at tinapos ang trabaho ng mga reserbang sina Obi Toppin na may 21 at TJ McConnell na may 20.


Bumalik-aksiyon galing pilay si Damian Lillard at gumawa ng 28 subalit hindi ito sumapat para sa Bucks na kinailangan ang panalo upang ipilit ang winner-take-all Game 7 sa Fiserv Forum. Naging mas matimbang ang patuloy na pagliban ni Giannis Antetokounmpo kahit nagtala ng tig-20 ang kapalitan niyang sina Bobby Portis at Brook Lopez.


Maaaring malaman ang huling mga bubuo ng Conference Semis ngayong Sabado. Lamang sa East ang bisitang Cleveland Cavaliers sa Orlando Magic, 4-2, at hawak ng Dallas Mavericks ang parehong 4-2 bentahe sa bisitang LA Clippers sa West.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 2, 2024




Patuloy ang matalas na shooting ni Derrick White at bumida siya muli sa 118-84 panalo ng numero unong Boston Celtics sa Miami Heat at tapusin sa limang laro ang kanilang seryeng best-of-seven sa NBA Playoffs kahapon sa TD Garden. Umalagwa naman ang bisitang Dallas Mavericks sa serye kontra LA Clippers, 3-2, sa bisa ng 123-93 resulta sa Game 5.


Matapos magpasabog ng 38 sa 102-88 panalo noong Game 4, bumida agad si White at pumukol ng tatlong three-points para magtala ng 15 puntos at itulak ang Celtics sa katapusan ng first quarter, 41-23. Hindi nakabangon ang Heat mula roon at umabot pa ng 118-81 ang pagitan bago ang huling minuto.


Nagtala si White ng kabuuang 25 mula sa limang tres. Hihintayin ng Boston ang magwawagi sa serye kung saan lamang ang Cleveland Cavaliers sa Orlando Magic, 3-2.


Mahirap talunin ang Mavs oras na gumana ang laro ni Luka Doncic at naghatid siya muli ng malaking numerong 35 puntos at 10 assist kahit pinaupo na siya sa huling limang minuto. Sa first quarter lang nakasabay ang Clippers at nailusot ng Mavs ang 25-24 bentahe bago umarangkada at itakda ang halftime sa 56-46.


Maaaring ito na ang huling laro ng Clippers sa Crypto.com Arena at lilipat na sila sa bagong Intuit Dome sa Inglewood sa Oktubre. Kailangan nilang manaig sa Game Six sa American Airlines Center sa Sabado upang bumalik para sa Game Seven sa Lunes para sa karapatang labanan ang numero unong Oklahoma City Thunder.


Sa mga laro ngayong Biyernes, umaasa ang Milwaukee Bucks na hihilom na ang mga pilay nina Giannis Antetokounmpo at Damian Lillard sa pagdalaw nila sa Indiana Pacers para sa Game 6. Gaganapin din ang Game 6 sa pagitan ng New York Knicks at Philadelphia 76ers kung saan hawak ng Knicks ang 3-2 bentahe.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page