ng Covid patient
ni Mary Gutierrez Almirañez | April 9, 2021
Itinanggi ng Capitol Medical Center (CMC) na may ipinaubayang kuwarto si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda para sa isang senior citizen sa nasabing ospital, batay sa naging sagot ng CMC sa kanilang Facebook page kahapon, Abril 8.
Anila, “Capitol Medical Center (CMC) records show that there was no such room reservation made for said person.”
Kaugnay ito ng ibinahaging Facebook post ni Antiporda nitong Martes na nagsasabing sa kabila ng mga napupunong ospital ay puwede niyang gamitin ang kanyang impluwensiya para ma-admit sapagkat marami na siyang natulungan at siguradong hindi siya matatanggihan ng mga iyon, na umagaw sa atensiyon ng CMC.
Sabi pa ni Antiporda, “May kuwarto pong maaaring ipagamit sa akin sa Capitol Medical Hospital pero sa halip na kunin ay ibinigay ko na lang po ito sa ina ng isang kapatid sa media na senior citizen na malubha ang kalagayan.”
Iginiit ng CMC na maraming pasyente ang naghihintay na ma-admit sa ospital, kung saan patuloy na ipinatutupad ang ‘First-in-Line, First Admission policy’.
“Staying true to our commitment to provide equal opportunity for quality health service especially at this time of pandemic… CMC assures the public that it is continually committed to serve the community equitably and with utmost professionalism,” paliwanag pa ng ospital.
Matatandaang nagpositibo sa COVID-19 si Usec. Benny Antiporda at ang kanyang misis noong ika-6 ng Abril.
Sa ngayon ay sa bahay na lamang nagpapagaling ang mag-asawa sapagkat aniya, wala nang ospital na puwedeng mag-accommodate sa kanila.
Kabilang sa mga naging proyekto ni Antiporda sa ilalim ng DENR ay ang dolomite beach sa Manila Bay.