ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | September 4, 2020
Umamin si Angel Locsin na nanghinayang siya sa desisyon ng ABS-CBN na itigil na ang shooting ng pelikulang Darna ni Jane de Leon na idinidirek ni Jerrold Tarog produced ng Star Cinema dahil sa Covid-19 pandemic.
Para kay Gel na kinikilala ng lahat bilang si Darna sa tunay na buhay at nananatiling siya pa rin ang gusto ng lahat para gumanap sa karakter ay timing sanang ipalabas si Darna sa panahon ngayon para may nilu-look-up tayong hero/heroine.
Nakapanayam si Angel ng movie writer na si G3 San Diego sa #LivewithG3.
Sabi ng aktres, “Nanghihinayang ako. Sayang kasi ‘yung panahon ngayon, panahon na kailangan natin ng hero. Maganda sana especially sa mga kabataan na meron tayong someone na tinitingala natin. ‘Yung merong makakapagligtas sa atin sa lahat ng mga pinagdaraanan natin. Sayang ‘yung pagkakataon.”
Dagdag pa niya, “Tama naman ‘yung decision for safety ng lahat. May pandemya, so kailangan nating sumunod sa protocol.”
Naniniwala naman si Angel na matutuloy pa rin ang pelikulang Darna sa tamang panahon at nananatili itong nasa puso ng bawat Pilipino.
“Nandiyan na noon pa man. Hindi siya nawawala. Sabi nga nila, ang bato ni Darna, patuloy na nagniningning 'yan at pupunta 'yan sa taong karapat-dapat. Huwag po kayong mag-alala, babalik si Darna,” paniniguro ng aktres.
Inihayag kamakailan ng ABS-CBN ang pagpapahinto sa shooting ng Darna na sinimulan noong Enero 19 at nagtapos noong Marso 7 na base sa post ni Direk Jerrold ay 15 days pa lang ang nakukunan.