ni Lolet Abania | October 19, 2021
Maaari nang lumabas ng bahay at magpunta sa mga malls ang mga senior citizens na fully vaccinated na kontra-COVID-19 sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3, ayon sa Malacañang ngayong Martes.
Una nang sinabi ng gobyerno na ang mga senior citizens sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 ay pinayagan nang lumabas ng kanilang bahay kahit pa ito ay non-essential activities bilang “insentibo” dahil sa pagpapabakuna ng mga ito kontra-COVID-19.
Ito ang naging tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque, matapos ang mga reports na ilang mga establisimyento ang tinanggihang papasukin ang mga senior kahit bakunado na nang isailalim ang Metro Manila sa Alert Level 3 nitong weekend.
“Hindi po natin binabawi iyong incentive na binigay natin sa seniors,” ani Roque. “Kapag sila ay vaccinated, pupuwede po silang pumunta sa mga malls at pupuwede silang lumabas ng bahay, ganoon pa rin po iyon,” sabi ni Roque sa press briefing.
“Ang hindi natin ina-allow pa ngayon ay iyong mga menor-de-edad na magpunta sa mga malls kasi hindi sila bakunado po, unlike the senior citizens na posibleng bakunado na sila,” paliwanag pa ng kalihim.
Ani pa ni Roque, ang mga seniors ay kailangan lamang magdala ng proof of vaccination kung sila ay magtutungo sa mga malls.