ni Mai Ancheta | June 6, 2023
Itinaas sa level 2 ang alerto sa Bulkang Mayon sa Albay matapos magpakita ng abnormal na aktibidad.
Sa panayam sa telebisyon kay Phivolcs Officer-in-Charge Dr. Teresito Bacolcol, inihayag nitong nakapagtala sila ng 49 rock falls o pagdausdos ng mga bato mula dalisdis ng Bulkang Mayon simula noong Linggo hanggang kahapon kaya agad na itinaas ang alerto sa level 2.
Pinayuhan ni Bacolcol ang mamamayang malapit sa bulkan na umiwas sa idineklarang six kilometer permanent danger zone.
Sinabi ng opisyal na mayroong "shallow magmatic process" ang Bulkang Mayon na maaaring magdulot ng phreatic eruptions o steam-blast eruptions kaya pinangangambahang magkaroon ng biglaang pagsabog, pagbagsak ng bato at pagguho
ng lupa sa bulkan.
Matatandaang nitong nakalipas na araw ay nakitaan din ng abnormal na aktibidad ang Bulkang Taal sa Batangas kaya mahigpit na mino-monitor ito ng Phivolcs.