ni Mai Ancheta | June 10, 2023
Inilagay sa state of calamity ang lalawigan ng Albay dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Ayon sa Albay Provincial Information Office, naglabas na ng resolusyon ang pamahalaang panlalawigan kasunod ng inilabas na abiso ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) na naglalagay sa Alert Level 3 sa Bulkang Mayon.
Ayon sa Albay PIO, dahil sa deklarasyon ng state of calamity ay mapapabilis ang mga ilalargang aksyon para sa rescue, recovery, relief at rehabilitation efforts ng gobyerno at pribadong sektor.
Magkakaroon din ng oil price control para sa mga pangunahing bilihin sa Albay upang maiwasan ang pagsasamantala ng ilang mga negosyante sa harap ng kalamidad, at magagamit ng local government units ang kanilang pondo para sa rescue, relief at rehabilitation measures sa posibleng magiging epekto ng pamiminsala ng Bulkang
Mayon.
Ngayong naisailalim na sa state of calamity ang Albay, sinabi ni Governor Edcel Greco Lagman na magagamit na nila ang P42 million quick response fund para sa pagtulong at pag-alalay sa mamamayan.