ni BRT | March 10, 2023
Makalipas ang isang buwan at dalawang linggo na paghahanap, natagpuan na kahapon ng tanghali ang nawawalang Cessna 206 plane sa bulubunduking bahagi ng Barangay Ditarum sa Divilacan, Isabela.
Bago mag-alas-12 ng tanghali nang makatanggap ng ulat mula sa Rescue Team 715 hinggil sa pagkakatagpo sa eroplano, sabay kumpirma na patay na ang anim na sakay nito.
Ang rescue team ay idineploy sa ikaanim na pagkakataon noong Marso 7.
Pasado alas-2 kahapon ng hapon nang magpadala ng apat na retrieval teams, na binubuo naman ng 39 katao para ibaba ang mga biktima.
Tinataya na aabutin ng tatlong araw bago tuluyang maibaba sa bayan ang mga labi.
May ulat na ang isa sa mga biktima ay napugutan at ang kanilang mga damit ay nakasabit sa mga puno, gayundin ang ilang bahagi ng eroplano.
Enero 24 nang mapaulat na nawawala ang naturang eroplano, na ang piloto ay si Capt. Eleazar Mark Joven.
Kabilang din sa mga sakay ay sina Josefa Perla Espana, Vala Kamatoy, at tatlong iba pa, kabilang ang dalawang bata.
Patungo ang eroplano sa bayan ng Maconacon nang ito ay mawala, kalahating oras nang lumipad ito mula sa Cauayan Airport.