ni Madel Moratillo @News | July 22, 2023
Kinalampag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga pulis na nakatalaga sa mga paliparan sa bansa na maging mapagmatyag laban sa human trafficking.
Ayon kay Tansingco, batay na rin sa panayam nila sa mga biktima ng human trafficking, nakukuha nila ang kanilang dokumento sa loob mismo ng bisinidad ng airport.
“Hindi na dapat sila umaabot dito. Bago makarating ng airport ang biktima, ang dami nang pinagdadaanan. Recruited via social media, magbabayaran via wire transfer, tapos mag-aabutan ng pekeng dokumento sa labas ng airport,” pahayag ni Tansingco.
Kailangan aniyang buksan ng mga awtoridad ang mata para hindi malusutan.
“We all have to open our eyes because it’s happening right under our noses,” dagdag pa ni Tansingco.
Mungkahi niya, palakasin ang presensya ng pulisya sa mga paliparan. Isa lang naman aniya ang modus ng mga ito kaya malamang ay sa iisang lugar lang nagkikita.
Ang paglaban aniya sa human trafficking ay nangangailangan ng whole-of-government approach kaya dapat na magtulungan ang lahat.