ni Lolet Abania | July 10, 2022
Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang dati at kasalukuyang mga lider ng bansa ay pinuprotektahan nila nang husto, matapos ang naganap na asasinasyon ni dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe nitong Biyernes.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, in-full force ang dalawang security groups, ang Presidential Security Group (PSG) at ang Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG), para siguruhin ang kaligtasan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
“We have the PSG and the VPSPG to protect the President and the Vice President, respectively. In coordination with these units, we provide additional security coverages in places of their engagements,” pahayag ni Aguilar ngayong Linggo.
Bukod sa mga naturang units, may karagdagang security personnel na kanila ring idine-deployed sa mga lugar na parehong ang Pangulo at Bise Presidente ay binibisita.
Sinabi naman ni Aguilar, nasa PSG at VPSPG na kung paano at anong security setups ang kanilang ipatutupad para mas tiyakin ang kaligtasan ng mga opisyal.
“It is for the units I mentioned to determine force requirements for the security operations. They are led by competent officers,” saad ni Aguilar.
Nitong Biyernes, si Abe na kilala bilang longest serving prime minister ng Japan ay binaril at napatay habang nagde-deliver ng kanyang campaign speech sa lungsod ng Nara, Japan.