ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 20, 2023
Kinonsidera ng Armed Forces of the Philippines ang pagre-recruit ng “cyber warriors" upang protektahan ang kanilang mga online network mula sa mga cyber attack.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Romeo Brawner Jr., ang 200,000 hukbo ng Pilipinas, kasama na ang kanyang reserve force, ay handa para sa mga karaniwang kalaban ngunit kinakailangan din ang suporta mula sa mga propesyonal na kayang matiyak ang kaligtasan ng AFP mula sa kapahamakan sa pag-atake sa online websites nito.
Kasabay nito, plano rin ng militar na i-upgrade ang kanilang Cyber Security Group tungo sa Cyber Security Command, ayon kay Chief Brawner, Jr..
Hinggil sa pagkuha ng cyber warriors, sinabi ni Brawner sa isang panayam matapos ang isang Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) forum noong Huwebes na hindi maskuladong indibidwal ang kailangan nila kundi mga talentadong empleyado para sa kanilang proyekto.
"This time, we will recruit cyber warriors," wika ni Brawner. "We will be looking for talented, skilled individuals.. They might not be competent to pass the regular recruitment procedures and requirement, so we are relaxing them (requirements) a bit just like in other countries."
Sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga kapwa niya opisyal sa ibang bansa, sinabi ni Brawner na ito ay tila uso sa iba pang mga military organization.
"There is that general realization that these new breed of warriors do not necessarily have to be muscled, strong. What we need are individuals who are intelligent, very skillful in the cyber domain," ani Brawner.