ni Angela Fernando - Trainee @News | December 3, 2023
Nagpahayag ang namumuno sa Philippine military nitong Linggo, Disyembre 3, na maaaring simula ng pagsalakay ang pambobombang nangyari sa gitna ng misa sa gymnasium ng Mindanao State University sa Marawi City bilang ganti sa mga serye ng operasyong militar laban sa tatlong grupo ng mga terorista.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., ang naganap na insidente ay nangyari 2 araw matapos tapusin ng mga puwersang Western Mindanao Command ang 11 miyembro ng teroristang grupong Dawlah Islamiyah, kasama ang kinikilalang emir na si Abdullah Sapal, sa Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Sa ikalawa at hiwalay na operasyong militar ng Joint Task Force Orion, kanilang napatay ang namumuno sa Abu Sayyaf na si Mundi Sawadjaan, ang sinasabing utak ng pagbombang nangyari nu'ng taong 2020 sa bandang Jolo.
Isang ikatlong operasyon naman ang isinagawa ng 103rd Infantry Brigade sa Piyagapo, Lanao del Sur nu'ng Linggo na nagresulta rin sa pagkakapatay sa isa pang lider ng teroristang grupo.
Saad ni Brawner, maaaring 'retaliatory attack' ang nangyari sa MSU resulta ng mga nasabing operasyon sa Western Mindanao dito sa Maguindanao, sa Lanao at sa Basilan.
Samantala, patuloy ang mga awtoridad sa pagiimbestiga sa insidente upang mabigyang hustisya ang mga naging biktima ng pagsabog.