ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 8, 2023
Ibinunyag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nahuli ng mga puwersa ng pamahalaan ang isang suspek sa pambobomba sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City, ngayong Biyernes.
Sabay na nahuli ng pwersa ng Military Task Force Marawi at Marawi City Police si Jafar Gamo Sultan, kilala rin bilang "Jaf/Kurot," na tinukoy ng militar bilang kasabwat sa pagsabog noong Disyembre 3 sa Dimaporo Gymnasium ng MSU, na nagresulta sa apat na namatay at 72 na sugatan.
Sinabi ni Col. Xerxes Trinidad, hepe AFP public affairs office, na nahuli si Sultan sa isang operasyon sa Brgy. Dulay Proper, Marawi City noong Miyerkules, Disyembre 6.
"The suspect is a companion of a certain Omar, the person identified by witnesses to have placed the improvised explosive device at the Dimaporo Gymnaisum," sabi ni Trinidad ngayong Biyernes.
Naglabas ang AFP ng isang 1 minuto at 56 segundo na footage ng (CCTV) na nagpapakita ng isang kahina-hinalang lalaki na may suot na cap at itim na hoodie, inaakalang si Sultan, na pumasok sa Dimaporo Gymnasium ng 6:09 ng umaga noong araw ng pagsabog.
Makikita sa footage na alas-6:13 ng umaga lumabas ang lalaki sa gymnasium.
Pumasok sa gymansium ang isa pang kahina-hinalang lalaki na may suot na puting polo at cap, hinihinalang si alias Omar, na may hawak na bag alas-7:03 ng umaga. Pagkatapos, bumalik ang lalaki na may suot na itim na hoodie sa pintuan ng gymnasium.
Alas-7:11 naman ng umaga lumabas ang lalaki na may puting polo mula sa gymnasium nang hindi dala ang kanyang bag kasama ang lalaking may itim na hoodie. Isang minuto pagkatapos, naganap ang pagsabog.
Ipinalabas din ng CCTV footage na tila pumipindot ng isang triggering device ang lalaki na may puting polo.
Sinabi ni Trinidad na narekober din ng puwersa ang dalawang motorsiklo mula sa naarestong suspek.
Samantalang iba ang naarestong suspek sa dalawang lalaki na naunang kinilala ng Philippine National Police (PNP) bilang mga suspek sa pagsabog sa Marawi.
Itinuturing ng PNP na kanilang mga suspek sina Kadapi Mimbesa o kilala rin bilang "Engineer," at Arsani Mimbesa o kilala rin bilang "Katab/Papitos."