ni Angela Fernando - Trainee @News | March 10, 2024
Handang dumepensa ang malaking mayorya ng mga Pilipino para sa 'Pinas kung magkakaroon ng kaguluhan laban sa mga dayuhang kaaway, ayon sa OCTA Research nitong Linggo.
Nasa 77% o 3 sa 4 na Pinoy ang handang lumaban para sa bansa, batay sa 4th quarter survey nu'ng Disyembre 2023 na Tugon ng Masa (TNM) Survey.
Kinumpirma naman ng OCTA Research na ang survey ay kinomisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Hindi bababa sa 60%, o 6 sa bawat 10 respondente ang handang lumaban sa mga pangunahing lugar na pinaggawan ng pag-aaral.
Nagtala ang Mindanao ng pinakamataas na porsiyento na umabot sa 84%, habang ang pinakamababang porsiyento ay nakita sa Visayas na 62%.