ni Mary Gutierrez Almirañez | March 7, 2021
Siyam na aktibista ang namatay habang 6 ang arestado sa isinagawang raid ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Calabarzon kaninang umaga, Marso 7, ayon sa Police Regional Office 4A.
Batay kay PRO4A PIO Chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran, may dalang warrant of arrest mula sa Manila Regional Trial Court Branch 4 ang mga awtoridad nang isagawa ang operasyon kung saan nakuha ang mga pampasabog mula sa bahay ng ilang aktibista at umano’y nanlaban sila sa pulisya.
Kabilang sa mga namatay ang mag-asawang sina Chai at Ariel Evangelista na miyembro ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan, sina Makmak Bacasno at Michael "Greg" Dasigao ng SIKKAD-K3 Kdmay Montalban, at si Emmanuel "Manny" Asuncion, ang Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan-Cavite. Samantala, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba.
Sa tala ng pulisya, isa ang namatay sa Cavite, 2 sa Batangas at 6 sa Rizal, habang tatlo ang arestado mula sa Laguna, gayundin sa Rizal.
Kaugnay nito, ang nangyaring operasyon ay alinsunod lamang sa ipinahayag ni Pangulong Duterte noong ika-5 ng Marso, "I've told the military and the police, that if they find themselves in an armed encounter with the communist rebels, kill them, make sure you really kill them, and finish them off if they are alive."