ni Lolet Abania | May 5, 2022
Nasa kabuuang 40,000 local absentee voting ballots ang nai-deliver na sa Commission on Elections (Comelec) main office hanggang nitong Miyerkules, Mayo 4.
Subalit, ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, ang Philippine Navy ay hindi pa nagpadala ng single ballot sa kanila dahil ito aniya sa tinatawag na logistical problems.
Ang mga natanggap ng Comelec na accomplished ballots ay ang mga sumusunod:
• Philippine Army: 11,305
• Philippine Air Force: 2,618
• Philippine National Police: 22,794
• Department of Education: 820
• Bureau of Jail Management and Penology: 738
• Bureau of Fire Protection: 47
• Media: 809
• Comelec: 687
• Department of the Interior and Local Government: 13
• Philippine Coast Guard: 157
• Department of Foreign Affairs: 1
• Public Attorney's Office: 2
• National Power Corporation: 9
Ayon sa Comelec, may kabuuang 84,357 botante ang pinayagang maka-avail ng local absentee voting (LAV), kung saan ginanap ito mula Abril 27 hanggang 29, 2022.
Gayunman, ang aplikasyon ng 9,341 indibidwal ay hindi naaprubahan dahil alinman sa kanila, ayon sa Comelec ay hindi nakarehistro o mga deactivated na.
Kabilang sa pinayagan ng poll body para maka-avail ng local absentee voting ay mga empleyado ng gobyerno at mga opisyal, miyembro ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP), gayundin ang mga media workers kabilang na ang mga photojournalists, documentary makers, technical at support staff, bloggers, at freelance journalists.
Samantala, ang Comelec office sa Intramuros, Manila ay patuloy na nakatatanggap ng mga local absentee voting ballots.
Ang mga balota ay nakalagak at nakatago sa mahigpit na guwardiyadong kwarto sa Comelec office, at bubuksan ito sa Mayo 9 para sa canvassing.